Uso sa mga live talk shows ang live ratings kaya alam ko na agad na marami ang nanood ng Startalk noong Sabado dahil maliban sa birthday celebration ko, pinanood ang report ng aming show tungkol sa kontrobersiyal na paghihiwalay nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo.
Hindi kasi nagpainterbyu sina Dennis at Jennylyn kaya hinimay-himay na lang ng aming show ang mga detalye ng kanilang break-up, base sa mga pahayag ni Jennylyn sa mga writers ng YES! Magazine.
Siyempre, may permiso ng YES! staff ang ginawa ng Startalk at dahil patikim lang ang ipinakita ng aming show, sure ako na marami angbibili ng June 2011 issue ng magazine para ma-read nila ng walang labis at walang kulang na mga pasabog ni Jennylyn.
* * *
Hindi ko na iisa-isahin ang pangalan ng mga nagpadala sa akin ng birthday gift dahil hindi ko pinangarap na may magtampo kapag hindi ko nabanggit ang names nila.
Isa lang ang masasabi ko, natupad ang aking birthday wish na makatanggap ng mga datung na worth P6,400 at P64,000 dahil 64 years old na ako! Maraming-maraming salamat sa inyo at alam ninyo na kung sino kayo!
* * *
Hindi kami nagkausap ni Sen. Manny Villar nang magpunta ako sa studio ng TV5 noong nakaraang Sabado pero nakarating sa akin ang kanyang bagong kampanya na labanan ang kahirapan sa pamamagitan ng Social Institute for Poverty Alleviation and Governance o SIPAG ng Villar Foundation.
Si Papa Manny ang chairman ng Villar Foundation na may layunin na tulungan na makaahon sa hirap ang maraming Pilipino na hikahos sa buhay.
Ipinapatayo ni Papa Manny ang SIPAG Center sa Las Piñas City at inaasahan na matatapos ito sa susunod na taon. Ang SIPAG Center ang magiging sentro ng kaalaman tungkol sa paglaban sa kahirapan at iba’t ibang klase ng pagkakakitaan at kabuhayan.
May reception hall, sinehan, exhibit hall, at memorabilia ng mga Villar ang SIPAG Center. Makita ko kaya sa center ang koleksiyon ng Amorsolo paintings ng Villar family?
In awe kasi ako nang magpunta ako noon sa bahay nina Papa Manny at Mama Cynthia Villar dahil nakita ko roon ang isang bongga at malaking painting ni Amorsolo. Kayo na ang bahala na manghula sa presyo ng Amorsolo painting na nakapuwesto sa sala ng mga Villar.
* * *
Ninang uli ako sa renewal of vows nina Sen. Bong Revilla, Jr. at Congresswoman Lani Mercado sa May 28.
Parang kailan lang nang magpakasal sila sa Kawit, Cavite na halos kasabay ng Philippine Centennial celebrations. Dahil kababayan niya si Gen. Emilio Aguinaldo, mala-Aguinaldo ang damit na ginamit ni Bong sa kasal nila ni Lani.
Mga ninang noon sa kasal nina Lani at Bong sina former President Gloria Macapagal-Arroyo at Congresswoman Cynthia Villar. Hindi ko malilimutan na sila ang mga katabi ko dahil nang lumapit ang sakristan para sa abuloy sa simbahan, wala kaming maibigay ni Mama Glo dahil hindi namin dala ang aming wallet.
Mabuti na lang, katabi namin si Mama Cynthia dahil ito ang nag-save sa amin ni Mama Glo. Binigyan kami ni Mama Cynthia ng tig-100 pesos at ito ang ibinigay namin ni Mama Glo sa sakristan.