Malaking debate sa RH Bill ikinasa ng GMA NEWS TV
MANILA, Philippines- Ang pinaka-aabangang debate tungkol sa tinututukang isyu sa buong bansa ngayon — ang Reproductive Health (RH) Bill — ay mapapanood na ngayong Linggo (Mayo 22) sa GMA News TV!
Tinaguriang RH Bill: The Grand Debate, ang GMA News TV special na ito ay naglalayong bigyang-linaw ang maraming isyu at aspeto kaugnay ng kontrobersiyal na House Bill No. 4244 o ang Responsible Parenthood, Reproductive Health, and Population Development Act of 2011 na mas kilala bilang RH Bill.
Tatlong isyu ang tatalakayin ng mga debaters kaugnay ng RH Bill. Si Rep. Janete Garin, isa sa mga may akda ng proposed bill, ang makakatapat ni Rep. Ma. Milagros Magsaysay tungkol sa isyu ng kahirapan; si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, Jr. at Bishop Efraim Tendero, National Director of the Phil. Council on Evangelical Churches, ay maghahain ng kani-kanilang panig sa isyu ng moralidad; samantalang ang celebrity mom na si Pia Arroyo-Magalona, isang RH Bill advocate, ang makakaharap naman ni University of the Philippines Prof. Aliza Racelis tungkol sa isyu ng kababaihan.
At upang lalong maging komprehensibo ang talakayan, isang panel ng mga interrogators ang magiging bahagi ng interpellation. Sina Carlos Celdran, dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, at UP Prof. Sylvia Claudio ang bumubo ng pro-RH panel samantalang anti-RH panel members naman sina Caloocan Bishop Deogracias Iñigues, Jr., University of the Asia and the Pacific College of Arts and Science Dean Antonio Torralba, at Dr. Deane Campo-Cruz.
Mapapanood ang RH Bill: The Grand Debate na ihahatid ng award-winning broadcast journalist na si Mel Tiangco, kasama sina Pia Arcangel at RJ Ledesma bukas mula 8:45 p.m.-10:45 p.m. sa Channel 11.
- Latest