MANILA, Philippines- Maraming beses na nating narinig na ang buhay sa showbiz ay walang kasiguruhan. Minsa’y nasa itaas ka at minsan nama’y nasa ibaba. Kaya naman maraming artista ang nag-iisip magkaroon ng negosyo na fall back position kapag wala silang proyekto sa pelikula at telebisyon.
Ilan sa mga artistang may negosyo ang itatampok ngayong Linggo alas-onse ng umaga sa programa ng GMA News TV na Life and Style with Gandang Ricky Reyes.
Bisita rin ang non-celebrity na sina Razelle Ravelo na gumagawa ng malunggay juice at Francis Barcenas na may-ari ng isang computer shop. Ikukuwento nila kung paano sila natulungan ng NATCCO (National Confederation of Cooperatives) na makapagtayo ng kani-kanilang negosyo.
Makakapanayam naman ni Mader Ricky ang COOP-NATCCO Party List Rep. Cresente Paez na magbibigay ng impormasyon tungkol sa matatag na katayuan ng kooperatibang mayroong 650 miyembrong organisasyon na ang layuni’y tumulong sa pamayanan, mga bagay-bagay tungkol sa reporma sa pagtatanim, pangangalaga sa kapaligiran, pabahay at ekonomiya ng bansa.
“Sa panahon na may problema ang bansa tungkol sa kabuhaya’y di tayo dapat sumuko o ipagpasa-Diyos na lang basta ang ating buhay. Tutulungan Niya tayo pero dapat di’y tulungan natin ang ating sarili. Magsipag, humanap ng ikabubuhay at sinupin ang kabuhayan. Ito ang dapat gawin,” sabi ni Mader Ricky na ngayo’y may-ari ng mahigit 40 salon sa iba-ibang dako ng bansa.
Ang Life and Style ay produksiyon ng ScriptoVision.