TV reporter saksi, aktres sinugod, sinabunutan ng asawa ng pulitiko

PIK: Miss na miss na ni Meryll Soriano ang showbiz dahil matagal itong nag-aaral sa London.

Nandito lang siya ngayon dahil bakasyon pero babalik din siya sa August para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.

Apat na taon siyang mag-aaral doon kaya matagal-tagal siyang mawawala sa showbiz.

Kaya nang dumalo ito sa nakaraang Gawad Urian, ang sarap daw ng pakiramdam niya dahil kahit paano, na-experience niya ang dati niyang ginagawa bilang artista.

Nag-aaral siya ng kursong foundation studies in art and design bilang pre-requisite sa bachelor of arts in industrial design, sa Central St. Martin sa London.

Malaki ang pasasalamat ni Meryll sa kanyang ama na si Willie Revillame dahil ito ang gumastos ng lahat para matupad lang ang pangarap niyang makapag-aral sa London.

PAK : Isang TV reporter ang nakasaksi mismo sa gulong kinasangkutan ng isang aktres at ng asawa ng lalaking nakarelasyon nito.

Hindi alam ni aktres na may asawa pa pala ang lalaking nakarelasyon niya na kilala sa pulitika.

Nang nakarating ito sa asawa ng lalaking nakarelasyon ng aktres, sinugod ito at naabutan sa kotse si aktres.

Nagkasabunutan sila na ikinagulat ng mga taong nakasaksi, at isa nga roon ang TV reporter na hindi makapaniwala sa sabunutan ng aktres at asawa ng kilalang tao sa pulitika.

Kaya kung tatanungin mo ngayon si aktres kung sila pa rin ng lalaking ito, super deny na siya dahil takot sa palaban na asawa.

BOOM : Ang magkapatid na Ruffa at Raymond Gutierrez ang nagtanggol mismo sa kapatid nilang si Richard sa kumalat na balitang nagalit ito ng husto sa isang traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang hulihin ang driver nitong si Mang Erning ng over speeding sa may Commonwealth Avenue, Quezon City.

Kaagad namang nilinaw ang isyu at ang mismong traffic agent na nanghuli ang nagsalitang walang ginawa sa kanya si Richard.

Sabi pa ni Ruffa, alam niyang ang mga haters ng kanyang kapatid ang may kagagawan nito dahil kahit marami naman itong supporters, marami rin itong haters dahil sikat siya.

Abala si Richard sa taping ng Captain Barbell kaya wala itong kamalay-malay na may ganung balita.

Pahayag ni Ruffa: “Nakakalungkot lang kasi how other people played it up. Sana naman huwag na silang mag-imbento. Hindi naman po porke’t artista, magkakalat na ng mga news na mali-mali.

“So, ayun, natiketan si Mang Erning, nagbayad na siya sa MMDA ng license niya, naging trending na si Chard sa Internet.”

Show comments