Napaiyak si Katrina Halili habang kausap ng press para i-promote ang Munting Heredera dahil feeling nito, kinukulit siya ng isang press sa kanyang love life, eh paulit-ulit na nitong sinabing ayaw muna niyang magka-love life ngayon. Ang focus daw muna niya ay trabaho at ang sarili muna ang mamahalin.
“Sarado muna ang puso ko after Kris Lawrence, hindi ko alam kung hanggang kailan nakasara ang puso ko, pero ‘di ako maghahanap. Kaya ate, ‘wag muna rin akong kulitin,” pakiusap nito sa press, sabay pahid ng luha.
Ang ikinatuwa lang ni Katrina sa nangyari ay nadiskubre niyang marunong pa pala siyang umiyak. Dumating pala ang time na dedma na siya sa paligid at sa nangyayari sa kanya at kundi pa sa pangungulit ng isang lady editor hindi nito malalamang marunong pa rin siyang umiyak.
Ipinarating namin kay Katrina ang comment ng isang reader na for a pole dancer role sa Munting Heredera, hindi siya sumasayaw at paikut-ikot lang sa pole. Akala namin, iiyak uli ito nang may mag-suggest na makakapag-pole dancing siya kung ang background music ay Careless Whisper.
Game naman pala itong marinig ang controversial song at kahit patugtugin pa raw sa harap niya, wala siyang pakialam at hindi siya iiyak.
TP dadalhin sa abroad
Mas palalakihin pa pala ng TV5 ang Talentadong Pinoy dahil balita namin, going international na rin ito sa mga susunod na season. Magkakaroon yata ng audition sa abroad at mapapanood na rin ito sa ibang bansa. Excited na si Ryan Agoncillo sa paglaki nang hino-host niyang show at involved din siya sa magandang nangyayari sa show.
In fact, ang pagiging international ng Talentadong Pinoy ang isa sa mga aasikasuhin agad nito pagbalik nila ni Judy Ann Santos from a brief vacation abroad.
Samantala, nakikipagsabayan si Ryan sa asawang si Judy Ann sa paramihan ng endorsement. May dalawa itong bagong endorsements na gagawin pagkabalik niya.
Cherie Gil at Jean Garcia sa sayawan magpapatalbugan
Tama ba ang nabalitaan naming magsasama sa dance serye ng GMA 7 na Jump ang magagaling na aktres na sina Cherie Gil at Jean Garcia? Nakuwento na ng una sa press na bumisita sa taping ng Magic Palayok na ang dance serye ang next project niya sa Kapuso Network, kaya mapapadali ang pagkuha niya ng dance lesson dahil may dance number siya rito.
May nagkuwento naman sa amin na kasama rin si Jean sa cast at nasabihan na rin ito bago pa magtapos ang Alakdana. Flattered daw ang aktres nang nalamang request ni Annete Gozon-Abrogar na isama siya sa cast.
Sa nababasa naming tweets ni Mark Herras, sa June na sisimulan ang taping ng dance serye na wala pang balita kung sino ang director. Kapareha ni Mark si Kris Bernal at join din si Rocco Nacino at pasok na rin si Sarah Lahbati.
Alwyn malas kay Jennica
Sa expression ng mukha, halatang nabigla si Alwyn Uytingco sa tanong ni Jun Nardo kung naniniwala siya sa sinasabi ng iba na jinx siya sa career ng GF na si Jennica Garcia. Noon lang daw niya narinig ang isyu at itinanggi dahil ang totoo, ini-inspire niya ang nobya na magtrabaho at ‘wag tatamarin.
Sa tanong pa kung niyaya niyang lumipat si Jennica sa TV5 para magkasama na sila, sagot ni Alwyn, matutuwa siya ng husto ‘pag nangyari ‘yun, pero alam niyang hindi lilipat sa ngayon ang GF dahil mahal ito ng GMA 7.