Oprah goodbye na sa ere after 25 years!
MANILA, Philippines - “I feel the love and I thank you for it,” sabi ni Oprah Winfrey sa pamamaalam sa kanyang programa. “Thank you for being a part of this great night, this celebration of what you have done for The Oprah Winfrey Show. You have made it possible for us to stand for 25 years.”
Ang mensahe ay ipinarating ni Oprah sa kanyang mga fans sa huling double-taping ng kanyang talk show.
Binati nina Tom Hanks at Tom Cruise si Oprah habang papunta sa stage at nagkaroon pa ng standing ovation ang 13,000 audience para sa Oprah! A Farewell Spectacular. Kinanta naman nina Josh Groban at Patti LaBelle ang Somewhere Over the Rainbow habang nakaupo ang TV host-producer sa stage.
Inamin naman ni Madonna sa audience na isa siya sa milyun-milyong taong na-inspire ni Oprah. Sabi pa ng sikat na singer na ipinaglalaban ni Oprah ang kanyang paniniwala kahit pa makakasama ito sa kanyang career.
Present din sa farewell presentation sina Halle Berry, Queen Latifah, Katie Holmes, at Diane Sawyer. Kinanta naman ni Beyoncé ang Run the World.
Napalibutan ang buong stadium ng mga pictures ni Oprah sa kanyang sentimental moments sa show. Hindi rin nawala ang kahun-kahong tissue sa mga upuan para sa audience.
Bago pa ng taping, ang guest line-up para sa Oprah! A Farewell Spectacular ay secret lang. Pero nalaman din kaagad na ang mga malalaking pangalan ay darating.
Ang Harpo Productions ay nakatanggap ng higit pa sa 154,000 ticket requests para sa farewell show. Libre lamang ang mga tiket at ipinamahagi sa fans sa pamamagitan ng lottery.
Isang oras bago magsimula ang taping ay mahaba na ang pila ng studio audience.
Nagpahatid din ng mensahe ang mga female American soldiers galing pang Iraq at tatlong female fans galing sa iba’t ibang bansa upang magbigay ng mensahe kay Oprah.
Noong November 2009 ay sinabi na ni Oprah na magtatapos ang kanyang sikat na show pagdating ng 25 years.
- Latest