Anne Curtis nagpaka-daring para sa mga inaabuso

MANILA, Philippines - Maninindigan para sa karapatang-pantao o human rights ang 15 batikang Pilipinong direktor sa pamamagitan ng proyektong Kinse ng ANC, the ABS-CBN News Channel.

Gumawa ng tig-sang maikling pelikula ang 15 filmmaker kabilang sina Erik Matti, Carlos Siguion Reyna, Raymond Red, at Mark Meily sa layu­ning mawakasan na ang iba’t ibang pang-aabuso na dinaranas sa ating bayan.

Kasama nilang magtatanggol sa karapatan ng mga babae, bata, katutubo, at mamamahayag sina Auraeus Solito, Jim Libiran, Jon Red, Richard Somes, Ato Bautista, Kiri Dalena, Ray Gibraltar, Raymund Amonoy, Kidlat de Guia, Nico Puertollano, at Paolo Villaluna.

Nakilahok din sa proyekto ang ilang sikat na pangalan sa showbiz tulad nina Gina Alajar at Anne Curtis na tampok sa pelikula ni Matti.

Ayon sa executive producer ng Kinse na si Patricia Evangelista, umaasa silang sa bawat pelikula ay may kahit isang buhay silang masasalba mula sa pang-aabuso.

Si Evangelista rin ang executive producer ng amBisyon2010, ang unang film project ng ANC na isinagawa naman upang matulungan ang mga botante sa kanilang pagpili sa halalan noong 2010.

Sa Kinse, iba’t iba ang mensahe ang makukuha mula sa mga obra. Sa Batch 2011 ng Palanca-awardee na si Libiran, pinaaalala sa kasalukuyang he­nerasyon na ipagtanggol ang demokrasya.

Karapatang mamuhay ng malaya naman ang sigaw ng pelikula ni Matti tampok si Curtis sa isang daring role.

Samantala, buhay ng isang batang ninakawan ng kinabukasan dahil sa kaniyang kasarian ang ilalahad ni Villaluna.

 Bahagi ang Kinse ng isang taong pagdiriwang ng ANC sa ika-15 ani­bersaryo ng pag-uulat at pagmumulat sa sambayanan. Ipapalabas ang 15 pelikula sa Tanghalang Aurelio V. Tolentino (CCP Little Theater) sa Huwebes (Mayo 19).

Show comments