PIK : Ayaw nang magbigay ng komento ni Leizel Sicangco kaugnay sa bagong programa ni Kylie Padilla sa GMA 7 na Blusang Itim dahil bumalik na raw ito sa pagka-Islam at tanging maitutulong daw niya bilang ina ay ipagdasal ang kanyang mga anak sa bagong karerang pinasok nila.
Nagpaliwanag naman si Kylie na kahit ganun ang ayos niya, may pagka-sexy, dahil lang daw ‘yun sa trabaho. Pero pagbalik daw niya ng bahay ay nagdarasal daw siya bilang Muslim.
Ngayong araw na magsisimula ang Blusang Itim na pagbibidahan ni Kylie. Mapapanood ito pagkatapos ng Eat Bulaga.
PAK : Wala si Pia Guanio sa Eat Bulaga nung nakaraang Sabado. Ang narinig namin, nasa bakasyon lang ito.
Kung wala pa si Pia ngayong araw, totoo kayang mahaba ang bakasyon nito pagkatapos niyang in-announce ang engagement sa kanyang non-showbiz boyfriend?
Kahit sinasabi nilang mananatili si Pia sa Eat Bulaga kahit engaged na ito at kahit ikasal pa, marami ang nagkukomentong hindi pa rin magandang tingnan na nasa iisang programa pa rin sila ni Vic Sotto na alam naman ng lahat na matagal niyang nakarelasyon bago ang kasalukuyan niyang boyfriend.
BOOM : Ngayong linggo ay maaring magsasampa na si Aiko Melendez ng kaso sa ilang taong involved sa isyung kinasangkutan niya.
Ayaw pa ni Aiko na idetalye ang demanda at kung sino ang idedemanda nila.
Kahit si Atty. Adel Tamano ay ayaw ding sabihin kung sina Mayor Patrick Meneses nga ba ang sasampahan nila ng kaso.
“Ayaw naming i-telegraph ‘yung mga legal moves namin, but my client and I, we are reviewing the facts of her case and we maybe filing something against not the league but against some of the main, sabihin nating characters dito sa sa kasong ito. Siguro next week, pinag-aaralan pa namin ‘yun,” sagot ni Atty. Tamano nang kapanayamin ng Startalk.
Nagpahayag naman ang kampo ni Mayor Meneses na open sila sa posibilidad na maayos ang gulo out of court.
Nagpahayag din si Bulacan Vice Governor Daniel Fernando na willing siyang pumagitna para magkaayos ang dalawa.
“Kalimutan ‘yung pangit na nakaraan sa pinagsamahan kundi tingnan ‘yung magandang nakaraan. Hindi ‘yung aabot pa sa ganyang usapin hindi ba kasi isang personal na usapin yan,” pahayag ni Vice Governor Fernando.