Malaking suporta sa anti-RH Bill group ang statement ni Pound For Pound King Manny Pacquiao na hindi ito ang solusyon sa kahirapan at mas malaking problema ang corruption.
“Hindi RH bill ang solusyon para sa kahirapan. Ang solusyon sa kahirapan ay sugpuin ang corruption dahil ’yan ang talagang pumipinsala at nagpapahirap sa mga tao,” sabi niya sa interview ng dzMM kahapon pagdating ng bansa mula sa matagumpay na laban kay Sugar Shame Mosley sa Amerika.
“Hindi naman ako puwedeng mag-pro-RH dahil madasalin akong tao. May takot ako sa Panginoon. Ang boss ko kasi ang Panginoon. Ayokong labagin ang kautusan ng Panginoon,” dagdag ng pinakamayamang congressman ng bansa tungkol sa mainit na pinagde-debatehang Reproductive Health Bill pero bukas siya sa idea na puwede itong pag-usapan.
Dumarami ang mga artistang maka-RH Bill sa pangunguna ni Lea Salonga.
* * *
Natawa ako sa kuwento ng isa kong friend tungkol sa isang aktor. May isa siyang friend na gustung-gustong makita ang isang aktor. So, nag-effort naman siyang isama ang kaibigan nang minsang magkaroon ng event na bida nga ang nasabing aktor. Finally, natupad naman ang pangarap ng kanyang kaibigan.
Nalapitan niya at puwede pang mahalikan ang aktor. Pero nawala lahat nang ilusyon ng friend niya dahil pagkakita sa young actor, nag-iba ang naramdaman nito at naglaho ang lahat ng pagnanasa. Nabasa raw ng friend niya ang kakaibang kislap sa mata ng young actor at ang verdict ng kaibigan ng source ko, oo nga, bading ito.
“Sure na sure siya sa nakita niya,” say pa ng source.
Confusing na talaga ang gender ng aktor sa kabila ng issue nang kanyang pagiging babaero.
* * *
Uy, may pasasabugin daw si Sarah Geronimo ngayong Linggo at muli nitong babasagin ang kanyang katahimikan sa ASAP Rocks sa pamamagitan ng isang production number bilang patunay na isa pa rin siyang Kapamilya sa kabila ng samu’t saring isyu.
Yup, kasabay dito ang launching ng kanyang latest album na One Heart. Pangungunahan niya rin ang all-out Pinoy Fiesta kasama ang pinaka-maniningning na ASAP Kapamilya stars na sina Jericho Rosales, Toni Gonzaga, Anne Curtis, Bea Alonzo, Cristine Reyes, Venus Raj, and Piolo Pascual.
Double celebration naman para sa birthday blow out ang pasabog din ng international Pinoy R&B sensation na si Billy Crawford at double platinum awarding naman ng My Heart’s Journey album ng Queen of All Media na si Kris Aquino.
Umpisa na rin ang pinakamatinding hatawan, ang ASAP Supahdance Off. Tingnan nga natin ang unang pagsabak ng mga pinaka-magagaling na Pinoy Supahdancers.
Sino kaya ang makakatanggap ng Supah-Go para mag-level up sa susunod na challenge at sino naman ang makakatanggap ng Supah-No?
Makakasama sa matinding bakbakan ang mga idolo sa hatawan ng sayaw: Chelo Aestrid, Supahdance Krew, SupahKids, Dance Quad, and G Force.
* * *
Ay, aminado naman pala si Derek Ramsey na hindi talaga si Angelica Panganiban ang ‘dream girl’ niya dahil sa ‘kabaklaan’ nito.
Pero na-in love siya dahil lagi siya nitong pinatatawa. Ayon sa source, inaamin ni Derek ang nasabing bagay tungkol sa GF sa ilang malalapit na kaibigan.
* * *
Grabe, parang Ruffa Gutierrez na ang ganda ng ex-stylist ni Presidente Noynoy Aquino na si Liz Uy.
Pati paglakad, pagsasalita, at boses, akala ko si Ruffa G.
Sobrang ganda na niya at taob na sa kanya ang mga dati niyang inaayusan. Mas hamak na mas maganda siya ngayon kesa noong sila pa ni John Lloyd Cruz.