Sharon tanggap na ang sobrang katabaan
MANILA, Philippines - Magsasalita na si Sharon Cuneta sa kaniyang sariling laban sa pagtaas ng timbang ngayong Linggo (Mayo 15) sa Bigating Pinoy: The Biggest Loser Primer pagkatapos ng Pilipinas Got Talent sa ABS-CBN.
Sa isang bihirang pagkakataon, ilalahad ni Sharon ang mga saloobin tungkol sa pisikal at emosyonal na hirap na pinagdaraanan ng mga taong obese o labis ang katabaan.
“Unfortunately, society judges you according to your physical appearance. It’s not really according to your abilities and your talents. Minsan kahit it’s very unfair, it’s a reality,” paliwanag niya.
Ngunit hindi lang si Sharon ang magbabahagi ng kanyang damdamin at karanasan. Para patunayan na kailangang tugunan ang problema ng obesity sa bansa, ipapakita sa primer ang case studies tampok ang anim na ‘bigating Pinoy.’
Una rito ang child star na pitong taong gulang na si Karl Camo, ng Goin’ Bulilit na madalas panggigilan sa pagiging cute ngunit seryoso na ang kondisyon ng obesity.
Nariyan din ang nagda-dalagang si Danica, edad 14, na hirap makisama dahil sa kanyang bigat, at ang 22 na taong gulang na si Alvin na ilang beses nang tinanggihan sa trabaho.
Kung si Lorie, 33, ay hindi na maaaring magkaanak dahil nabalutan na ang matres ng taba, ang 40 taon na si Rowena naman ay hindi makapunta sa graduation ng mga anak sa takot na tuksuhin sila dahil sa kanyang katabaan.
Si Reinnier naman, 25-taon gulang pa lang, ngunit bumili na ng memorial plan.
Kung si Sharon ang tatanungin, lahat sila ay may pag-asa pang gumanda ang buhay sa pamamagitan ng pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Ang The Biggest Loser Pinoy Edition daw ang magbibigay ng inspirasyon sa kanila at sa lahat ng Pinoy na may ganitong problema.
“Kayang-kaya ‘yan. ‘Pag nakita n’yo yung journey ng mga contestant to lose weight, I think representation din ‘yan ng kanya-kanyang problemang pinagdadaanan natin, kahit hindi siya obesity,” giit ng Megastar.
- Latest