MANILA, Philippines - Milyon ang tumutok sa GMA noong Holy Week upang subaybayan ang inaabangang Tanikala : Ang Lihim ng Ikatlong Aklat.
Ang ikatlong installment ng horror-drama series na ito tuwing Semana Santa ay nagtala ng bagong audience record para sa Christian Broadcasting Network Asia (CBN Asia).
Nanguna ang tatlong episodes ng Tanikala sa late afternoon timeslot nito. Ang Maundy Thursday episode na Kulam ang nakakuha ng pinakamaraming audience, ayon sa overnight data ng AGB Nielsen.
Mahigit 5.3 milyon ang nakapanood sa pagganap ni former Sexbomb Izzy Trazona bilang isang biktima ng mangkukulam. Ito ang pinakamataas na viewership ng CBN Asia program sa loob ng isang araw, mas mataas sa 3.2 milyon ng Tanikala : Ang Ikalawang Libro noong nakaraang taon.
Ang Good Friday episode naman na Wasak, tampok ang theater actor na si Icko Gonzalez sa kanyang pagbulusok sa makasalanang buhay, ay nakakuha ng mahigit 4.9 million na manonood.
Samantala, nasa 3.4 milyon ang nanood kay Miriam Quiambao bilang isang possessed na faith healer sa Black Saturday episode na Panata.