Taong 2006 nang pasukin ni Katrina Navarro o mas kilala bilang si Sitti ang showbiz.
Nakilala bilang The Bossa Nova Diva dahil na rin sa gold at platinum record ng mga albums niya. Regular din natin siyang napapanood sa ASAP Rocks dahil miyembro si Sitti ng ASAP Sessionistas.
Sa kabila ng kanyang mga tagumpay ay nangungulila pala siya sa pagmamahal ng isang ama. Dalawampu’t pitong taon niyang hindi nakasama ang kanyang ama.
Siyam na buwan pa lamang noon si Sitti nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Hindi kaagad ipinagtapat ng kanyang ina kung sino ang kanyang ama dahil masyado pa siyang bata noon, nalaman na lang niya ang lahat noong siya ay grade six na.
Taong 2009 nang nagkaroon ng ugnayan sina Sitti at ang kanyang ama. Tumawag ng ilang beses sa bahay ng singer ang kanyang tatay.
“It’s like talking to a stranger, I’m just being polite, nothing deeper. ’Tapos sabi niya, kung anuman ang nangyari dati, sana mapatawad na siya,” emosyonal na pahayag ni Sitti.
Nagdesisyon siyang ibigay ang cellphone number sa kanyang ama kaya mula noon ay nakakapag-text na sila sa isa’t isa.
Noong April 25 ay dumating na ang pagkakataong pinakahihintay ni Sitti, ang paghaharap nila ng amang Muslem na nasa Tawi-Tawi.
“I’m twenty seven this year, this is probably the right time. I booked a flight, Tawi-Tawi and Zamboanga. Then I told my mom. Dumating po kami ng Monday. Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari, I grew up without seeing even a single picture.
“So, paglapag po namin sa runway, may nakita akong lalaki, tapos parang ’yung pakiramdam ko na siya na ba iyon? Nanlamig, tumigil ’yung puso, ’tapos pagbaba ko po, akbay po siya kaagad. Hindi po ako naka-focus sa fact na my father has his hand, his arm on my shoulder, ako po nagsabi, kayo po papa ko? Sabi niya, oo ako ang papa mo.
“Masaya po, then naisip ko po, meron po ako dapat maramdaman, ’di ko po naramdaman. I know that I love my dad, doon ko po na-realize na I think I’ve always loved my dad, even if I’d never seen him. Pinakahuling message niya sa akin, he always say sorry to the people he has hurt, sabi ko stop saying sorry. Naiintindihan ko po, lumaki po ako thinking na ’di ko kailangan ng tatay, ’di ko siya kailangan sa buhay ko pero when I saw him, meron pala akong matatawag na papa,” naluluhang kuwento ng singer.
“Ngayon ko lang na-realize na I’ve been missing on something. Papa, nagpapasalamat ako sa Panginoon, kay God, kay Allah, sana magkita po tayo ulit,” emosyonal na kuwento ni Sitti. Reports from James C. Cantos