MANILA, Philippines - Napapanahon ang ginawang pag-remind ng ABS-CBN ng mga TV production staff nila, sa pamamagitan ng Office of the Network Ombudsman, hinggil sa sinusunod na pamantayan mula sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa tamang pagtrato sa mga bata sa entertainment at variety programs na sinusunod na ng network simula nang ipatupad ito.
Bilang miyembro ng Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP), mahigpit umano nilang sinusunod ang batas na nakapaloob sa Broadcast Code ng Pilipinas na sinang-ayunan ng broadcast group kung saan kabilang din ang ABS-CBN sa mga KBP members na nagratipika ng naturang code.
Ilan sa mahahalagang probisyon dito ay nagsasabi sa mga TV network na ang mga kabataan ay hindi dapat obligahin, pilitin, o suhulan para isalaysay ang mapapait na karanasan sa kanilang buhay. Hindi rin sila dapat kutyain, maliitin, o hamakin; at ang anggulo ng camera ay hindi dapat gamitin para gumawa ng hindi disenteng imahen sa kanila.
Ipinaalala rin ng ABS-CBN Ombudsman sa TV production division nito ang mga probisyon sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act na minamando rin ng Broadcast Code of the Philippines na sundin ng bawat TV network.
Base sa RA 7610, ang child abuse ay tumutukoy sa pangmamaltrato ng isang bata kabilang na ang sikolohikal at pisikal na pang-aabuso, pagpapabaya, pagmamalupit, at seksuwal at emosyonal na pang-aabuso. Anumang gawain o pananalita na nakakababa sa pagkatao at dignidad ng isang bata bilang tao ay kinikilala ring uri ng pang-aabuso.
Ang pagkakait sa bata ng pangunahin nitong pangangailangan para mabuhay tulad ng bahay at pagkain, pati na rin ang hindi pagbibigay dito ng kaukulang atensiyong medikal tuwing kailangan ay paglabag din sa naturang republic act.
Sinasaad naman sa Special Protection of Children against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, sa ilalim ng Article V Section 9 nito, ang limitasyon sa tuwing ang isang bata ay nasasama sa hindi disenteng palabas.
Kaya naman sila ay meron palang on-air monitoring team na pinapanood ang lahat ng programa ng network at nagbibigay ng komento sa mga production teams at meron din silang Call Monitoring System, isang feedback mechanism kung saan maaring magpahayag ng komento, opinion, at suhestiyon ang mga manonood tungkol sa mga programa at talents ng kanilang network.
Isang child protection handbook ang kasalukuyang binubuo ng Office of the Network Ombudsman (ONO), sa pangunguna ni Retired Justice Jose Vitug.
Kris at Aljur nagkabaLikan sa Spooky Nights...
Ang self-made Kapuso stars na sina Aljur Albrenica at Kris Bernal ang lead stars sa ikalawang handog ng Spooky Nights na The Ring…Tone. Papalitan nito ang Bampirella ni Marian Rivera at mag-uumpisa ngayong Sabado (Abril 30).
Huling napanood sa primetime soap na Machete, ang Al-Kris love team ay nagbabalik sa isang horror comedy series na hango sa Asian horror films tulad ng The Ring, The Grudge, at The Eye.
Sa kuwento, gaganap si Aljur bilang isang bad boy na nagngangalang Brix. Siya ay maginoo pero medyo bastos at nanliligaw sa isang sweet girl na ginaganapan naman ni Kris.
Sa kabilang banda, mahinhin at may pagka-manang ang role ni Kris bilang Nancy. May lihim itong pagtingin kay Brix pero magpapakipot siya sa binata.
Magkatuluyan pa kaya ang opposites na sina Brix at Nancy? Ang paghihiganti at kaugnayan kaya ni Sad-ako kay Brix ang magiging mitsa upang maudlot ang pagtingin ni Nancy sa binata? Makakalabas kaya nang buhay ang barkada sa minumultong resort?
Simula Abril 30, ang Spooky Nights Presents: The Ring…Tone ay mapapanood tuwing Sabado bago ang Kapuso Mo, Jessica Soho sa GMA 7.