TV5 hindi damay Willie puwedeng makulong ng 8 taon

MANILA, Philippines - Sumama na rin ang Department of Social Welfare and Development sa mga nagsasampa ng kaso laban sa TV host na si Willie Revillame kaugnay ng umano’y pag-abuso sa isang anim na taong gulang na batang lalaki na pinagsayaw ng macho dance sa prime time game show na Willing Willie ng TV5.

Isinampa kahapon ni DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman sa Quezon City Prosecutor’s Office ang kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Republic Act 7610) laban kay Revillame.

Kasama ni Soliman sa pagsasampa ng naturang kaso sina running priest Fr. Robert Reyes, environmentalist Froilan G. Grate, advertising executive Frances Irene Bretana, at blogger Noemi Lardizabal-Dado.

Kapag napatunayang nagkasala, makukulong si Revillame ng anim na taon at isang araw hanggang walong taon.

 “Isinasampa namin ang kaso dahil trabaho namin. Ginagawa namin ito sa lahat ng kaso ng child abuse na nakikita namin. At nagbibigay kami ng serbisyo sa nangangailangan ng aming tulong,” sabi ni Soliman sa isang pahayag.

Idinagdag niya na walang anggulong pulitika sa kanilang hakbang at walang hidden agenda rito. 

 “Napanood namin ang segment sa Internet matapos na ma-upload sa YouTube website. Bilang nagmamalasakit na mamamayan,   kinokondena namin ang pagsasamantala at iresponsableng pagtrato   ng show sa anim na taong gulang na bata. Ang mga ikinilos at pinagsasabi ni Revillame ay isa nang psychological abuse, cruelty, at emotional maltreatment of the child dahil pinabababa nito ang dignidad ni Jan-Jan bilang tao,” sabi nina Soliman sa kanilang complaint-affidavit.

Show comments