May balikan? P-Noy panay pa rin ang text kay Shalani

Bumalik kahapon sa Laoag, Ilocos Norte ang mga artista ng Temptation Island para sa con­tinuation ng kanilang shooting.

Limang araw lang na nagpahinga ang cast dahil sa Holy Week. Bumalik sila ng Maynila noong Holy Wednesday kaya pansamantala silang nakaiwas sa hot weather sa Laoag.

Ang Temptation Island ang isa sa mga pinakamaingay na pelikula ng Regal at GMA Films at kasing-ingay ito ng original movie.

* * *

Malapit nang mag-goodbye sa TV ang Alakdana kaya magkakaroon ng press interview para kina Louise delos Reyes at Alden Richards.

Sina Louise at Alden ang magkapareha sa Alakdana pero si Enzo Pineda ang nali-link sa dalaga. Vocal kasi si Enzo sa pagsasabi na crush niya si Louise at ilang beses nang nasulat ang pagdalaw niya sa taping ng afternoon series ng Kapuso network.

Kung magpapatuloy ang special friendship nina Louise at Enzo, hindi malabo ang posibilidad na magkasama sila sa isang TV project ng GMA 7, in the near future.

* * *

Happy birthday today kay Valenzuela City Councilor Shalani Soledad.

Ngayon ang 31st birthday ni Shalani at magka-birthday sila ni Papa Ray Espinosa, ang presidente ng TV5.

Ngayon ang first showbiz birthday ni Shalani pero wala siyang birthday celeb­ration sa TV dahil hindi pa bumabalik sa ere ang Willing Willie.

Apat na buwan nang TV host si Shalani dahil nagsimula noong November 2011 ang kanyang TV career. Malaki na ang improvement ni Shalani bilang TV host at nakikipag-compete na siya sa akin sa pagbati sa mga kaibigan at constituents niya.

Sinabi ni Shalani sa isang interbyu na may comunication pa sila ni P-Noy kahit hiwalay na sila.

Totoo at hindi kathang-isip ang kuwento ni Shalani dahil kaharap ako nang minsang mag-text sa kanya ang ex-boyfriend niya.

Possible ba na ma-experience nila ang kasabihan na “Love is lovelier the second time around?” Why not? Mga still single pa rin sina Shalani at P-Noy at walang nakakarelasyon mula nang maghiwalay sila.

* * *

Si Regine Velasquez pala ang kamukhang-kamukha ng kanyang ina at malinaw na ebidensiya ang litrato ng kanyang pagbubuntis.

Mukhang malaki ang sanggol sa sinapupunan ni Regine dahil biglang lumobo ang kanyang katawan. Two months pregnant pa lang si Regine pero puwedeng magpagkamalan na apat na buwan na ang sanggol na ipinagbubuntis niya.

May baby boom sa showbiz sa taon na ito dahil marami ang buntis sa pa­ngunguna nina Regine, Carlene Aguilar at Glydel Mercado.

* * *

Nakikiramay ako sa mga naulila ni Edwin Ramos, ang dzBB radio coordinator na nasaksak sa Kalookan City noong Black Saturday.

Si Edwin ang madalas na tumatawag sa landline ko sa bahay sa tuwing oras na ng phonepatch report ko sa radio program ni Arnold Clavio sa dzBB.

Nadamay lang si Edwin nang awatin niya sa pagwawala ang suspect na si Cesar Baguio. Siya ang napag-initan ni Cesar na nagtatago na ngayon dahil pinaghahanap ng mga pulis.

Buhay na buhay pa si Edwin nang dalhin sa Tondo General Hospital. Isinugod siya sa ospital ng kanyang girlfriend na nagsabi na tatawag na ito kina Papa Mike Enriquez at Arnold para humingi ng tulong. Hindi pumayag si Edwin dahil nakakahiya raw.

Mula sa Tondo General Hospital, inilipat si Edwin sa ibang ospital at dito na siya binawian ng buhay.

Humanga ako kay Edwin dahil kahit very close siya kina Papa Mike at Arnold, tumanggi siya na tawagan ang dalawa dahil ayaw niya na makaabala.

Sigurado naman na tutulungan siya nina Papa Mike at Arnold kung pinatawagan niya sa telepono ang dalawa.

Tumutulong sina Papa Mike at Arnold para mapadali ang pagdakip sa pumatay kay Edwin.    

Show comments