Jolo ayaw nang makisawsaw sa mga problema ni Jodi

Naglabasan kamakailan ang balitang hiwalay na raw si Jodi Sta. Maria sa asawa nitong si Pampi Lacson. Nanatiling tahimik si Jodi tungkol sa isyu pero pagkatapos nito ay pumutok naman ang balitang may bagong nagpapatibok na sa puso ng aktres.

Si Jolo Revilla ang tinutukoy na bagong inspirasyon daw ni Jodi. Naging malapit ang dalawa dahil nagkasama sila sa teleseryeng Noah at sa set pa lamang ay nagkakamabutihan na sila. May mga nakakakita rin sa dalawa na madalas na magka-date.

“Once and for all, wala po. We are just friends. Wala po, that’s it. Kaming barkada, huling pagkikita namin ay matagal na.

“Actually, ayoko nang pag-usapan ito. Masyadong maraming problema ’yung tao, ayoko nang makisawsaw pa. Alam naman natin ’yung pinagdadaanan ng tao, sana huwag na tayong mandamay,” seryosong pahayag ni Jolo.

Vic feel makasama uli si Bea

Pangatlong araw na ngayon sa mahigit 120 na sinehan ng pelikulang Pak! Pak! My Dr. Kwak! mula sa Star Cinema at M-Zet Productions. Sa unang araw nito noong Sabado ay kaagad na tumabo sa takilya at patuloy pa ring pinipilahan ng mga manoood ngayon.

Maganda ang pelikulang ito nina Vic Sotto at Bea Alonzo dahil bukod sa nakaaaliw nitong kuwento ay ginawaran ito ng Graded B ng Cinema Evaluation Board at G rating naman ang ibinigay ng Movie and Television Review and Classification Board.

“Ano pa ang masasabi namin kundi Pak! Sapak! Tumpak! Happy Easter sa inyong lahat! At nais naming magpasalamat sa lahat ng mga tumangkilik at kasalukuyang tumatangkilik. Sa lahat ng mga feedbacks na natatanggap namin, tuwang-tuwa raw sila sa pelikula,” pahayag ni Vic.

“Masayang-masaya, salamat sa lahat ng mga nanood na kasama pa ’yung mga buong pamilya nila. Thank you,” pahayag naman ni Bea.

Samantala, isa sa mga dapat abangan sa pelikula ay ang kontrobersiyal na kissing scene nina Bossing at Bea. Nagkailangan kaya ang dalawa nang gawin ito?

“Hindi naman, very, very tender. Kasi naman ako personally, it was more of a tender kiss lang,” sagot ni Bossing. — Reports from JAMES C. CANTOS

Show comments