Mga mamahaling relo ni Christian natangay!

Dapat malungkot si Christian Bautista dahil pagdating niya ng bahay mula sa  trabaho nung Linggo ay natuklasan niyang napasok ng magnanakaw ang kanyang four storey house sa San Juan. Natangayan siya ng hindi kukulangin sa P100,000 halaga ng cash money at ilang mga mamahaling relo at gamit.

Nakaakyat ng fourth floor ang mga magnanakaw at dun sa isang bintana sila dumaan.

Sa halip na malungkot, panghihinayang lang ang naramdaman ng singer dahil mahabang panahon din niyang pinagtrabahuhan ang nawala.

* * *

Nakatutuwang malaman na sa kanilang murang gulang ay alam na ng mga kabataang artista ang kaha­lagahan ng Mahal na Araw.

“Ako po, kasama ko ang family ko sa Holy Week. Time na rin po ‘yun para makapag-bonding kami. Siyempre po magpa-fasting din ako. I’ll eat fish na lang muna instead of meat,” ani Alexa Ilacad.

Si Sharlene San Pedro naman ay mamamalagi lang sa kanilang bahay sa kabuuan ng Holy Week.

“Mas okay po kung sa bahay na lang. Para po mas ma-feel ko ‘yung Holy Week. Babawasan ko muna yung paglalaro ng computer games,” pahayag ni Sharlene.

Sina Nash Aguas, Angelo Garcia, at Micah dela Cruz ay sasamantalahin ang pagkakataon para makapag-relax. Maga-out of  town sila kasama ang pami-pamilya nila.

“Susulitin ko po ‘tong bakasyon namin,” ani Nash.

Kahit pa may kani-kaniyang plano ang mga Bulilits ay hindi nila malilimutang pasayahin ang mga Kapamilya viewers dahil ngayong Linggo ay mapapanood ang Penitensya episode ng Goin’ Bulilit.

* * *

Sayang at hindi ako nakasama sa taunang pilgrimage ni Kuya Germs sa Our Lady of Manaoag sa Pangasinan nung Lunes Santo.

Mahigit 20 years na itong ginagawa ni Kuya Germs at palagi akong sumasama. Nagsimula ito nung panahon pa ng That’s Entertainment. Dati nga mga tatlo hanggang apat na malalaking bus ang sinasakyan namin. Lately kumonti na kami kaya isang bus na lamang ang inaarkila.

Ala-sais ng umaga umaalis na kami, bumabalik kami at nakakauwi ng aming mga bahay bago mag-alas dose ng gabi. Ang tagal? ‘Yun ang gusto ng lahat, dahil hindi kami nagmamadali, mabagal ang takbo ng bus. Humihinto lamang kami para mag-CR. Pero bago mag-alas dose ng tanghali kailangang nasa ka­tedral na kami ng Our Lady of Manaoag para sa isang 12 o’clock Mass na request palagi ni Kuya Germs.

After ng Misa, bilihan na ng mga souvenirs, hingian ng holy water, sindihan ng kandila, gawaan ng petisyon at pagdalaw sa image ng Our Lady of Manaoag. Ang pananghalian ay pala­ging ginagawa namin sa tahanan ng mga De Venecia (Jose and Gina) sa Dagupan. Bago pa kami dumating, tumatawag na si Kuya Germs para magpaluto ng aming pananghalian. Dun madalas  pinakbet, adobo, hipon, inihaw na bangus, inihaw na baboy, at sinigang na samaral ang pinagsasaluhan namin. Sa­ging at pastilyas ang madalas naming  dessert. Kahit wala ang mag-asawa, welcome kami sa bahay nila. Ipinagluluto kami ng mga katiwala nila at ipinagbabalot pa ng maiuuwi. After lunch, sandaling pahinga muna, kuwentuhan, pagkatapos biyaheng pauwi na, mga 4:00 p.m. ito.

Mas mahaba ang biyahe pauwi dahil maraming stop-overs. Bumibili ng bangus, manggang hilaw at hinog, chico, at  mga ispesyalidad na pagkain ng probinsiya. Pagkatapos ng lahat ng ito, tulugan na, gigising lamang pag nasa GMA 7 na kami na madalas ay lugar ng pik-apan.

Maraming dahilan kaya na-miss ang pilgrimage this year, na wala akong control. Sana next year, maka-join na ako.

Show comments