MANILA, Philippines - Sa nakalipas na dalawang taon, naging ma-tagumpay ang paggawa ng Christian Broadcasting Network Asia (CBN Asia) ng mga horror-suspense telesine, na tinatawag ng Tanikala, na bukod sa pananakot ay nagbibigay-linaw sa mga tanong tungkol sa ating pananampalataya sa Diyos. Ngayong 2011, tatlong special episodes ang mapapanood simula Maundy Thursday hanggang Black Saturday, 5:30 ng hapon, sa GMA 7.
Ipapakita rito ang mga karanasan ng iba’t ibang tao na nakipaglaban sa mga demonyong nagtangkang kontrolin ang kanilang buhay.
Sa Maundy Thursday, gagampanan ni former Sexbomb Izzy Trazona ang papel ng isang nakulam sa Kulam.
Samantalang, si Icko Gonzalez, theater actor, ang magbibida sa episode tungkol sa isang lango sa sex at drugs. Kasama ni Icko sa episode sina John Arcilla at Roselyn Perez.
Lalabas naman sa isang kakaibang role si beauty queen-turned-actress Miriam Quiambao bilang isang nasapian na faith healer sa Panata.
Sabi ni Miriam, ‘‘Nakakatuwang magtrabaho sa Panata kasi lahat nagtatrabaho in the spirit of excellence at gusto talaga namin mailahad ang kuwento na kapupulutan ng aral.’’