Alam mo, Salve A., nanghihinayang kami sa StarStruck V winner na si Sarah Lahbati dahil parang wala itong pinagkakaabalahan ngayon sa bakuran ng GMA 7, ang kanyang home studio. Sayang naman kung hindi ito susugalan ng Kapuso Network considering na may potential itong maging isang malaking star balang araw.
Kung tutuusin, kulang na kulang ang GMA ng mga leading men at leading ladies hindi tulad sa ABS-CBN na sobra-sobra ang kanilang lead stars.
Marami ang nagsasabi na mas magaling mag-build up ng stars ang ABS-CBN kumpara sa GMA 7.
Agree ka ba rito, Salve A.?
* * *
Artistahin ang bagong recording artist ng Sony Music na si Mark Alain na kamakailan lamang nag-launch ng kanyang self-titled mini-CD album na naglalaman ng limang awitin at kasama na rito ang carrier single na Maghihintay na madalas na tinutugtog sa mga radio stations lately.
Ayon sa graduating nursing student, kung magkakaroon ng pagkakataon, open din siya sa idea na mag-artista. Pero sa ngayon, gusto muna niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang singing career matapos niyang kumalas sa kanyang grupo, ang Frio band para mag-solo.
Tulad ng ibang baguhang recording artist, dumaan din si Mark sa proseso ng pagpapadala ng demo tape sa Sony Music na agad namang nagustuhan ng nasabing record label at kasunod na rito ang pagkakaroon niya ng solo album.
Sa sobrang excitement ng binata, ikinumpara niya ang break niya sa recording sa pagkakapanalo sa lotto.
* * *
Malayo pa ang Disyembre pero nagsu-shooting na si Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. ng kanyang entry sa 2011 Metro Manila Film Festival (MMFF), ang Panday (Ikalawang Aklat), at kapareha niya sa unang pagkakataon si Marian Rivera.
Naka-break kasi ang sesyon ng senado kaya nagti-take advantage si Sen. Bong sa kanyang free time.
Ang isa pang pagkakaabalahan ng batang senador ay ang nalalapit na 25th or silver wedding anniversary nila ng kanyang misis na si Rep. Lani Mercado na kamakailan lamang nag-celebrate ng kanyang kaarawan. Ang renewal of vows ng mag-asawa ay dito na sa Pilipinas gagawin at paghahandaan ng isang TV special.
Ang buong mag-anak ay magho-Holy Week sa Boracay.