MANILA, Philippines - Bago pa man nagkaroon ng advisory tungkol sa pagputok ng Taal Volcano, nakahanda na pala ang Taal, Batangas para sa pinaka-una nitong summer festival na El Pasubat na all out ang suporta ni Mother Lily Monteverde, adopted daughter ng bayan, Ogie Alcasid na tubong Taal at ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto.
Ayon kay Mother Lily, magiging bahagi ng selebrasyon ang kulturang Taal para rin makilala ang produkto ng bayan.
Teka ano ba ang mga produkto ng Taal na ipinagmamalaki nila? Wow kasama pala ang empanada, longganisa, panutsa, suman, barong Tagalog, balisong, tapa, tawilis, at iba pa. Bilang historical landmark naman, ang mga lumang bahay sa Taal ay magbubukas sa mga tao sa festival para maipakita ang pagpapahalaga sa lumang yaman sa Visitas de las Casas.
Magsisimula ang selebrasyon sa Abril 28 hanggang Abril 30.
Sa unang gabi, isang ballroom dancing, Gran Festival del Baile, ang magaganap na magtatampok kay Sr. Guillermo na kilala sa larangan ng pagsayaw.
Isang trade fair, Mamaraka sa Taal, ang ilulunsad din sa pestibal kung saan makikita at mabibili ang gawang-Taal. Ang highlight ng affair ay isang grand motorcade kung saan ipaparada ang mga bonggang floats na naglalaman ng mga produktong Taal na lulan din ang mga nanalong Binibini at Lakan ng Taal.
Inaasahan din ang pagdalo ng malalaking artista sa El Pasubat Festival lalo na nga’t suportado ito ni Mother Lily kasabay na rin ng selebrasyon ng ika-439 taon ng nasabing bayan.
Ipinagmamalaki rin ng bayan ang Basilika ng San Martin, ang pinakamalaking simbahan sa South East Asia, at ang Shrine ng Our Lady of Casaysay, ang birhen na na-recover ng mangingisda sa Pansipit River noong 1603.
Sana nga ay ‘wag matuloy ang nasabing pagsabog ng Taal Volcano. Madadala ‘yan sa dasal para naman matuloy din ang El Pasubat Festival.