Noong Sabado ay nakatakdang lumipad si Kim Chiu papunta ng US para sa Star Magic Concert Tour. Bandang 9:30 a.m. ay dumating na sa Terminal 1 airport si Kim para sa kanyang 12:35 p.m. flight. Naantala ang pag-alis ni Kim dahil natuklasang nawawala ang kanyang passport nang magtse-check in na sila ng kanyang handler.
“Una, nandun kami ’tapos may mga nagpapa-picture, siksikan. ’Tapos parang sabi ko ba’t ang dikit nila sa akin? Sabi ko, sige ate picture. ’Yun pala kinuha na ’yung passport ko.
“Wala na ’yung passport ko noong dinukot ko sa bag ko eh nakapatong lang iyon, kabibigay lang ni Ate Portia (handler ni Kim) sa akin,” kuwento ni Kim.
Sobrang kinabahan si Kim dahil hindi kaagad nahanap ang passport niya sa airport. “Hinanap namin isang oras, tatlong oras, ’tapos nag-status ako sa BBM (Blackberry Messenger) ko na nawawala ’yung passport ko, ang daming nag-react.
“Si Ate Kris (Aquino) tinulungan ako,” balita pa ni Kim.
Mukhang wallet kasi ang lalagyan ng passport ni Kim kaya may posibilidad na pinag-interesan ito ng ibang tao sa pag-aakalang may laman itong pera. Agad din naman rumesponde ang mga awtoridad sa airport nang maganap ang insidente para tulungan si Kim.
Pero isang janitor ang nakatulong. Natagpuan nito sa isang basurahan ang wallet na naglalaman ng passport ni Kim. May posibilidad na inihagis lang sa nasabing basurahan ang parang wallet na lagayan ng aktres. Napayakap si Kim sa janitor na nakakita ng kanyang passport sa sobrang tuwa.
Nagpapasalamat si Kim sa pamunuan ng airport dahil natagpuan ang kanyang passport at nakaabot pa siya para sa kanyang flight.
Pokwang, Wally, at Jose isinakripisyo ang lahat para sa mga anak
Sa Easter Sunday ay showing na ang pelikulang Pak! Pak! My Dr. Kwak! na pinagbibidahan nina Vic Sotto at Bea Alonzo. Kasama rin sa nasabing pelikula ang mga komedyanteng sina Pokwang, Wally Bayola, at Jose Manalo na kapwa mga magulang na marami na ring pinagdaanang pagsubok sa buhay.
Si Pokwang ay larawan ng isang inang itinaguyod mag-isa ang anak na si Mae na ngayon ay dalagita na.
“Dinadaan niya lang sa work, kung mahirap o madali ang dahilan naman kasi ay kami, para sa amin lahat nang ginagawa niya. Para lang magkaroon kami ng maayos na buhay. Gusto ko ring makahanap si mama ng guy na mamahalin siya at tatanggapin siya kung sino siya,” pahayag ni Mae.
Si Jose ay isang amang isinakripisyo ang lahat para sa kaligayahan ng pito niyang anak. Mayroon na rin siyang apo sa kanyang panganay na anak. “Kahit gaano na kahirap for him basta alam niyang mapapasaya niya kami, pinagbibigyan niya kami,” pahayag naman ng anak ni Jose na si Mico.
Si Wally naman ay isang ama na nawalay minsan sa kanyang mag-iina na nasa Bicol noon dahil kinailangan niyang pumunta sa Maynila para magtrabaho para sa kanyang pamilya. Kaka-16th wedding anniversary lang nilang mag-asawa kahapon at magtatapos na rin ang asawa ni Wally sa kursong nursing.
Mayroon na ring limang anak ang komedyante at 15 years old na ang kanilang eldest. “Sabi ni Papa, as long as okay ’yung family, happy kaming lahat. ’Yun lang ’yung makapagpapasaya sa kanya. Gusto niya ma-feel na lahat kami palaging as one. Pinakaayaw niya ay ’yung nakikita kaming nag-aaway,” pahayag ng anak ni Wally na si Marianne.
Sa likod ng pagpapatawa nina Pokwang, Wally, at Jose ay mayroon din silang mga problema at kalungkutang dinadala bilang mga magulang. Patuloy silang nagsusumikap para maitaguyod ang kanilang mga pamilya na nagsisilbing inspirasyon sa kanila. — Reports from JAMES C. CANTOS