Seksing-seksi si Ruffa Gutierrez nang dumating kahapon sa presscon ng Belo Clinic. Si Ruffa ang endorser ng BodyTite, ang bagong body contouring procedure ng Belo Clinic na very effective dahil magandang-maganda ang shape ng kanyang katawan.
Seksing-seksi rin si Ruffa sa giant Belo billboards na malapit nang makita sa Edsa. Napapayag si Ruffa na magsuot ng two-piece bikini sa pictorial dahil confident siya sa kanyang katawan.
Bumili si Dra. Vicki Belo ng mga sexy bikini sa Amerika para sa pictorial ni Ruffa pero hindi ito nagamit.
Ang mga bikini na gawa ng fashion designer na si Charina Sarte na nagkakahalaga ng P10K each ang ipinasuot kay Ruffa. One of a kind ang mga mamahaling bikini na hindi mabibili sa mga mall o department store.
Malaki ang naitulong ng BodyTite kaya na-achieve ni Ruffa ang body statistics na 36-26-36 1/2.
Nagpatindi sa kaseksihan ni Ruffa ang blue Herve Leger dress na suot niya. Muntik na akong himatayin nang malaman ko na more than US$1,000 ang presyo ng damit.
Naalaala ko na Herve Leger ang damit ni Aubrey Miles sa birthday party ni Annabelle Rama sa Crowne Plaza noong nakaraang taon. Binili ni Aubrey sa Hong Kong ang Herve Leger dress na more than Php60 K naman ang presyo.
May nagsabi sa akin na nagbebenta rin sa Greenhills ng Herve Leger dress pero obvious na pirated copy ito dahil walang ganoong damit na limanglibong piso ang halaga. Hindi na nga original, ang mahal-mahal pa ng presyo!
Loveless ngayon si Ruffa dahil naka-focus ang atensiyon niya sa kanyang dalawang anak at mga trabaho.
Dalawa ang regular program ni Ruffa sa TV5, ang Paparazzi at Mga Nagbabagang Bulaklak.
Inaabot ng madaling-araw ang tapings ng Mga Nagbabagang Bulaklak at katatapos lamang ng anniversary celebration ng Paparazzi.
May mga request sa management ng TV5 na ilagay sa early timeslot ang Mga Nagbabagang Bulaklak dahil late na ito kung ipalabas.
May suggestion din na magkaroon ng replay ang drama series dahil sayang kung hindi mapapanood ng mga tao ang magagandang eksena at ang magagaling na artista.
Pagbigyan kaya ng TV5 ang request ng televiewers na walang oras na magpuyat para mapanood ang Mga Nagbabagang Bulaklak?
* * *
May kapalit agad ang nawala na morning show ni Carmina Villarroel at Zoren Legaspi sa GMA 7.
Mainstay si Zoren ng Nita Negrita at si Carmina naman ang host ng Amazing Cooking Kids na mapapanood sa GMA 7 tuwing Sabado, bago magsimula ang Eat Bulaga.
Mag-uumpisa sa April 16 ang cooking contest show para sa labindalawang bagets na nakapasa sa audition.
Si Jocelyn Arino ang executive producer ng show at ipinagmamalaki niya na talagang may talent sa pagluluto ang mga bata. Sarap na sarap si Jocelyn sa mga pagkain na niluto ng mga bagets at natikman niya sa taping ng Amazing Cooking Kids.
Tatlo ang mga hurado sa bagong cooking show ng Kapuso network. Sila ay sina Chef GB Barlao, Chef Rosebud Benitez, at Chef Jackie Ang-Po, ang may-ari ng Fleur de Lys, ang coffee shop sa Morato Avenue na madalas na venue ng mga meeting ko.