Magbibigay ng pabuya si Mommy Dionesia Pacquiao sa tao na magbabalik ng kanyang mamahalin na singsing na nawala noong Biyernes, April 1.
Na-Luz Valdez ang singsing habang naglalakad si Mommy Dionesia sa kalye ng General Santos City. Hindi namalayan ng madir ni Congressman Manny Pacquiao na nalaglag mula sa daliri niya ang singsing na bigay ng kanyang manugang na si Jinkee.
Ang tanong, may magbabalik ba ng singsing kung sakaling may nakapulot nito?
Ang sabi, P180K ang halaga ng expensive ring. Magkano naman kaya ang pabuya na ibibigay ni Mommy Dionesia sa finder?
Teka, April Fools Day noong Biyernes. Hindi naman siguro biktima ng April Fools ang nanay ni Manny na sikat na talaga. Nawalan lang ng singsing, headline na agad sa mga TV news program!
Puwera biro, mahanap at isoli sana kay Mommy Dionesia ang singsing dahil alam natin ang pakiramdam kapag nawawalan tayo ng mga bagay na mahalaga at ating iniingatan. Kadalasan, balewala ang mga pabuya dahil mas importante ang sentimental value ng mga gamit na hindi sinasadya na nawala o ninakaw.
Marian rumampa sa Divisoria
Nagsimula kahapon ang Star Box, ang morning talk show nina Ali Sotto at Papa Jack sa GMA 7.
Parang big budgeted ang show dahil ang laki-laki ng mga eksena. Kayo ba naman ang magkaroon ng show sa gitna ng Tutuban Mall sa Divisoria na dinumog ng mga tao.
Lalong dumami ang bilang ng mga tao dahil sa presence ni Marian Rivera na noon lang yata nagawi sa Divisoria.
Nakakaaliw ang show nina Ali at Papa Jack. Walang kupas ang husay ni Ali bilang TV host dahil nakakahawa ang kanyang sigla. Hindi nagpatalbog si Papa Jack na mataas din ang energy level at parang nasa radio program lamang siya.
Mabait kahapon si Papa Jack dahil wala itong pinagalitan. Hindi siya nagsermon gaya ng ginagawa niya sa kanyang programa sa radyo.
ArneLl seryoso sa mga pulis na nangotong ng P100K
Pumangit uli ang image ng mga pulis dahil sa pangongotong ng tatlong kasamahan nila ng P100K kay Arnell Ignacio.
Sila ay sina PO3 Jose Levy Llagas, PO3 Neil Pono at PO1 Joel Lasala ng PNP-Highway Police Patrol Group.
Nangyari ang insidente noong March 26 sa Pasig City habang minamaneho ni Arnell ang kanyang luxury car na Porsche.
Sinundan daw siya ng patrol car ng tatlong pulis at hinanap ang plaka ng kanyang sasakyan.
Ang sey ni Arnell, hindi nakakabit ang plaka dahil nalaglag ang mga turnilyo ng sasakyan niya na ginamit sa isang car exhibit.
Kahit nagpakita siya ng kumpletong dokumento na siya ang tunay na may-ari ng kotse, hiningan pa rin si Arnell ng P100K or else, puwedeng ma-impound ang kanyang Porsche.
Napilitan si Arnell na mag-produce ng isang daang libong piso na ibinigay niya sa mga pulis na sumama pa sa kanyang bahay.
May CCTV pala sa bahay ni Arnell kaya may ebidensiya na ‘pumasyal’ sa tahanan niya ang mga pulis para kubrahin ang datung. Ang sey ni Arnell, lasing daw si Pono nang maganap ang insidente.
Sinampahan ni Arnell ng kasong extortion sina Llagas, Lasala at Pono at nangako siya na hindi titigil hangga’t hindi nabibigyan ng hustisya ang kanyang nakakaloka na karanasan.
Iniimbestigahan na ngayon ng mga kinauukulan ang mga pulis na kinasuhan ni Arnell.
Nakakabahala ang karanasan ni Arnell dahil kung nangyari ito sa isang kilalang personalidad na katulad niya, paano na ang mga ordinaryong tao na walang lakas ng loob na magsumbong dahil afraid sa mga pulis?