Ad boycott sa Willing-Willie gumugulong na

MANILA, Philippines - Nabalita kahapon na sinususpinde ng Jollibee Foods Corporation ang ad placement nito sa programang Willing Willie kasunod ng kontrobersiya sa umano’y pang-aabuso nito sa isang bata.

“Inihihinto ng Mang Inasal ang ad placement nito sa Willing Willie sa linggong ito,” sabi ng JFC Corporate Media sa pahayag nito sa Facebook page nito kahapon.

Lumitaw ang pahayag ng JFC sa kainitan ng isang kampanya na iboykot ang mga produkto ng mga advertiser ng naturang show na inilulunsad sa iba’t ibang social media site sa internet.

Sa isang liham kay Froilan Grate ng Facebook group na Para kay Jan-Jan (alyas ng anim na taong gulang na batang lalaking pinasayaw na tulad ng macho dancer sa show habang umiiyak sa episode nito noong Marso 12), sinabi ni JFC representative Pauline Lao, nabatid ng kanilang kumpanya ang isyu at ang mga sentimyento rito.

Ipinahiwatig ni Lao na sinusubaybayan din ng JFC na isang family friendly na kumpanya ang imbestigasyon ng TV5 sa insidente.

Idiniin ng kumpanya na nananatili itong naninindigan sa pagtataguyod sa kapakanan ng mga bata.

 Ang batang lalaki na isang contestant sa game show ay napanood na umiiyak habang sumasayaw ng malaswa na ikinatuwa ng program host na si Willie Revillame at ng studio audience. Binatikos ito ng maraming tao sa internet.

Naunang inihayag ng MTRCB na rerepasohin nila ang episode habang pinag-aaralan naman ng Commission on Human Rights ang pagsasampa ng kasong child abuse sa mga responsable sa insidente. Binatikos na rin ito ng Department of Social Welfare and Development.

Isa pang advertiser ng Williing Willie, ang Oishi, ang nagpahayag na pag-aaran din nila ang posibleng hakbang sa naturang usapin.

Show comments