All aboard! Pinoy abroad! Dadaong na sa DZMM

MANILA, Philippines - Parating na ang programang magsisilbing kanlungan para sa mga Pilipinong nagtatrabaho, naninirahan, nag-aaral, at nakikipag-sapalaran sa labas ng bansa - ang All Aboard! Pinoy Abroad! nga­yong Sabado (Abril 2) 8:00 p.m.-9:00 p.m sa DZMM Radyo Patrol 630 at DZMM TeleRadyo.

Tampok ang mga broadcast journalist na sina Alex Santos at Maresciel Yao, ang All Aboard! Pinoy Abroad ang programang maghahatid ng impormasyon at saya at magsisilbing boses ng mga Overseas Pinoy (OP) sa iba’t ibang parte ng mundo.

“Sa nakalipas na mga buwan, higit na nakita natin ang paghihirap ng ating mga kababayan sa ibang bansa dahil sa mga kaguluhan at kalamidad. Kailangan nila ng programang masasandalan at matatakbuhan, at iyan ang magiging silbi ng aming programa sa kanila,” ani Alex.

Dagdag pa ni Maresciel, na nakilala sa isang palabas para sa mga maglalayag, hindi lang impormasyon at diskusyon ang hatid ng kanilang bagong programa kundi aliw at saya.

“Ito ang unang OFW show na magsisilbing tulay sa mga Overseas Pinoy sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng teknolohiya tulad ng Skype. Sa segment na Konek Ka Diyan, hindi lang sila magkukumustahan ng magpa-pamilya, maaari pa silang maglaro at manalo ng premyo,” paliwanag niya.

Bukod dito, kaabang-abang din ang iba pang segments tulad ng Balitang OP, Pinoy Around the World, at Dear Mare, kung saan maaaring magbahagi ng kuwento at karanasan ang mga OP habang ang iba naman ay malayang magbigay ng payo at komento sa pamamagitan ng text, tawag o internet.

I M Ready Disaster Preparedness Campaign Sa Unang Hirit

Tuluy-tuloy ang serbisyong totoo sa Unang Hirit sa pamamagitan ng I M Ready disaster preparedness campaign.

Ang I M Ready ay isang award-winning inter­­­a­ct­ive, multi-media campaign na nagbibigay sa publiko ng mga tips at impormasyon para maging handa sa banta ng mga sakuna at kalamidad. 

Matapos ang pinsala at trahedyang dala ng lindol at tsunami sa Japan, agad na naghanda ang U­nang Hirit ng sunud-sunod na earthquake, tsunami, at radiation drills para sa ating mga mahal na kapuso.

Kasama na rito ang mga earthquake drill sa mga eskwelahan subdivision, opisina at tenement sa Metro Manila.

Nakapagsagawa rin ang Unang Hirit ng tsunami drill, sa tulong ng pamahalaang lokal ng Cavite , para sa isang coastal community sa nasabing probinsiya.

Samantala, ipinakita rin ng programa ang kahandaan at kagamitan ng mga grupo gaya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, Philippine National Red Cross, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection. 

Tinalakay din ng morning show ang mga paksa gaya ng radiation monitoring ng Philippine Nuclear Research Institute at ng Bureau of Customs sa Manila South Harbor. 

Abangan sa Unang Hirit Lunes hanggang Biyernes, 5:15-8:30 ng umaga, sa GMA-7

Show comments