Sorry ni Dennis hinihintay ni Jennylyn
Bago pa tuluyang umabot sa pisikal ang away ng mga manager nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado na bunga ng naging paghihiwalay nila, kailangan nang basagin ng aktor ang kanyang katahimikan at magsabi kung totoo man o hindi ang balitang sinaktan niya ang aktres sa bugso ng kanyang damdamin.
Nagsimula ang away ng mga manager nila sa kagustuhan nilang maipagtanggol ang mga alaga nila. Pero sa halip na mabigyan ng linaw ang mga pangyayari, lalo lamang itong naging masalimuot dahil pati sila ay nag-aaway na rin.
Hindi minabuti ng manager ni Jennylyn na si Becky Aguila ang pagba-blind item sa kanya ng manager ni Dennis na si Popoy Caritativo sa Twitter account nito. Hindi man siya pinangalanan ng manager ni Dennis, siya ang pinagbibintangan nito sa pagkaka-leak ng hiwalayan ng dalawa, lalo na sa press. At dahil sa pagba-blind item sa kanya, napilitan si Gng. Aguila na ibulgar na ang paghihiwalay ng dalawa pero sinabi niyang may permiso siya ni Jennylyn. Bukod kay Popoy, naghihintay ang kampo ni Jennylyn ng sorry kila Dennis. At naghihintay din ang lahat ng paglilinaw ni Dennis kundi masasadlak na siya ng lubos sa lusak.
Smokey, drama ang binalikan
Masayang makita na muling umaarte si Smokey Manaloto sa Green Rose, isang dramaserye samantalang isa siyang komedyante. Matagal na ring walang show si Smokey, siguro dahil puro drama ang palabas ng ABS-CBN, tumigil na sila sa paggawa ng sitcom. Pinaka-last na ‘yung pinagtambalan nina Aga Muhlach at AiAi delas Alas. Kaya marahil lumipat ng TV5 si Aga na kung saan puwede siyang lumabas muli sa mga proyekto na kinasanayan na niyang gawin sa TV, ang sitcom.
In fairness, mukhang hindi tumatanda si Smokey. Para pa ngang mas nagmukha siyang bata ngayon.
Sana nga, masabayan niya ang napakabibigat na eksena ng apat na bida sa Green Rose para makabalik na siya ng tuluyan sa pag-arte.
Mag-ina nanalo ng halos kalahating milyon
Isang mag-ina ang nagwagi ng kulang-kulang sa kalahating milyong piso, P410,000 to be exact, sa Pera o Bayong ng Happy Yipee Yehey.
Nagtatalon sa tuwa ang inang si Hilda Tayos matapos silang manalo ng kanyang 12 taong gulang na anak ng nasabing halaga sa piniling Yipee Blue na bayong kahit P200,000 na ang offer sa kanila ni John Estrada.
May karamdaman ang asawa ni Hilda at mahigit P30,000 ang kailangang bayaran ng kanyang anak sa paaralang pinapasukan nito.
Sa suwerteng natanggap, matutustusan na ng ina ang mga pangangailangan nila sa buhay.
Duncan binalikan ang Genesis
After almost 15 years, bumalik sa kandili ng Manila Genesis Entertainment and Management na pinamumunuan ni Angeli Pangilinan-Valenciano ang magaling na R&B singer na si Duncan Ramos.
Matatandaan na ang Genesis at si Gary Valeciano ang nakadiskubre kay Duncan pagkarating nito ng Maynila galing Cebu sa gulang na siyam na taon. Nag-audition ito sa kanila at pinahanga niya ang mag-asawa sa kanyang galing kumanta.
“It was a dream come true. Agad-agad ay pinapirma nila ako ng kontrata at isang taon akong nag-front act sa mga concerts ni Gary V,” anang Cebuano singer.
Sa gulang na 14, iniwan niya ang Genesis para mag-aral ng Business Management and Entrepreneurship sa San Beda. Pero hindi niya natapos dahil naging soloista siya ng South Border. Sa loob ng anim na taon, nakasama siyang kumanta ng grupo ‘di lamang sa bansa kundi maging sa labas nito. Nakapaglabas sila ng dalawang album at ilang matagumpay na single. Iniwan niya ang South Border nung 2007 at nagtangkang mamuhay sa Hawaii hanggang makasama siya ng ASAP Sessionistas nung 2009. Nakapag-prodyus na siya ng sarili niyang album, ang Fly With Me.
Bumalik ito ng Manila Genesis nung nakaraang taon at naging welcome concert niya ang Soul In Motion concert series ni Gary V sa Music Museum.
- Latest