MANILA, Philippines – Dahil sa napakaraming sumbong na tinanggap, ipinaubaya ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang kasong child abuse na ipinupukol kay Willie Revillame ng programang Willing-Willie sa Hearing and Adjudication Committee para sa karampatang hakbang.
Ang sumbong ay kaugnay ng pagtatanghal noong Marso 12, 2011 sa TV5 kung saan isang anim na taong gulang na batang lalaking kalahok ay ipinakitang gumigiling at ginagaya ang galaw ng katawan ng isang macho dancer.
Sa website nito (http./mtrcb.gov.ph2011/03briefer-on-willing-willie) sinabi ni MTRCB Chair Grace Poe-Llamanzares na ang bagong sumbong kay Revillame “ay naalinsunod sa katungkulan ng Board na ipatupad ang nasasaad sa Saligambatas na dapat ipagtanggol ng Pamahalaan ang mga karapatan ng mga bata sa lahat ng uri ng pagpapabaya, kalupitan, pagmamalabis at iba pang bagay na makasasama sa kanilang paglaki.”
Ipinaalala niya sa iba pang networks na may mga batang nagtatrabaho na pag-ibayuhin ang pag-iingat upang matiyak na ang kanilang mga karapatan ay lubos na napangangalagaan sa ano mang uri ng pagmamalabis.
“Binigyang diin pa rin ng Board na tuwing may batang pinalalabas sa mga telebisyon, mga programa, prodyusers na may saguting sundin ang mga itinatadhana ng RA 7610 upang maiwasan ang “psychological abuse - kalupitan - sexual abuse at pagpapahirap” at “ano mang bagay sa pamamagitan ng gawa at salita na lumalait, umaapi at nagpapababang uri sa katutubong halaga at dangal ng bata,” wika ni Llamanzares.