Wala pa ring nakakakilala kahit staff ng sariling show, BF ng female TV host nanatiling misteryo

Hindi totoo na isinasama ng female TV host sa TV studio ang boyfriend niya. Mismong ang production staff ng show ng TV host ang nagsabi na hindi pa nila nakikita ang kanyang bagong BF.

Sa madaling salita, walang katotohanan ang tsismis na hindi na itinatago ng TV host ang kanyang dyowa dahil kahit ang anino nito, hindi pa nasisila­yan sa TV station.

Ang say ng staff, puwedeng inihahatid at sinu­sundo ng mhin ang TV host pero hindi siya buma­baba ng sasakyan para hindi makita ng mga tao ang kanyang face.

Marami ang may gusto na makilala ang mystery boyfriend ng TV host na ipinalit nito sa kanyang ex-boyfriend na sikat na sikat. Walang kinalaman sa showbiz ang mhin kaya pinoprotektahan siya ng kanyang girlfriend na napapanood sa TV mula Lunes hanggang Linggo.

* * *

Patutunayan ni Ali Sotto at ng kanyang mga co-host sa Star Box na kayang-kaya nila na magkaroon ng Monday- to- Friday live show.

Ang Star Box ang bagong morning show ng GMA 7 na magsisimula sa darating na Lunes. Kakaiba ang concept ng Star Box dahil darayo si Ali at ang kanyang mga kasama sa mga barangay, itsurang mainit ang panahon dahil summer season na.

Ang DJ na si Papa Jack at ang mga XLR8 member na sina MM at MJ ang mga co-host ni Ali sa kanyang morning show na ibang-iba ang format sa Startalk.

* * *

Maganda ang feedback sa pilot episode ng Captain Barbell na nagsimula kagabi. Bilib na bilib ang televiewers sa mga special effect at malalaking eksena sa nagbabalik-primetime show ni Richard Gutierrez.

May special participation sa Captain Barbell si Rhian Ramos pero hindi na inilagay ang kanyang pangalan sa mga press release at press kit dahil natsugi agad ang karakter na ginampanan niya.

Si Rhian ang love interest ni Enteng sa unang Captain Barbell. Isinama siya sa pagbabalik ni Captain Barbell para magkaroon ng closure ang love story nila ni Enteng.

Nawala man si Rhian, tatlo ang ipinalit sa kanya, sina Isabel Oli, Solenn Heussaff at Lovi Poe.

* * *

Nag-taping kami kahapon para sa Tweetbiz at nag-report na si Tim Yap na hindi nakasipot noong nakaraang linggo dahil hindi siya nakasakay sa flight niya mula sa London.

Thank you kay Tim dahil sa kanyang mga pasalubong sa akin at sa staff ng Tweetbiz. Type ko ang mga Prince William-Kate royal wedding key chains na kanyang ipinamigay.

Ang nalalapit na pagpapakasal ni Prince William sa girlfriend niya ang pinakaaabangan at pinakamalaking event sa United Kingdom. Excited ang lahat sa pakikipag-isang dibdib ng future king ng England. Para na rin akong nagpunta sa London dahil sa mga pasalubong ni Tim.

* * *

 Gumagamit ngayon ng live ratings ang mga TV network para madaling malaman kung marami ang nanonood sa ka­nilang mga programa.

Hindi ako ignorante sa live ratings dahil nakikita ko ito sa studio ng Startalk. Dahil sa live ratings, knows namin kung sino ang mga artista ang pinapanood ng mga tao.

Sa maniwala kayo o hindi, pinapanood ng viewers ang mga guesting at interviews kina Angelica Jones, Marlene Aguilar at Ethel Booba. Gustung-gusto ng televiewers ang mga artista na karakter at ang mga showbiz personality na nagbabangayan!

Show comments