Renz Fernandez, madalas makalimutan ang dialogue kapag kaeksena si Kim Chiu!

Baka hindi n’yo napapansin, dalawang anak na nina Lorna Tolentino at ng namatay na si Rudy Fernandez ang nag-aartista, sina Rap at Renz Fernandez. Si Rap ang gumaganap ng kontrabida ni Gerald Anderson sa Buhawi Jack, samantalang si Renz naman ang kapareha ni Kim Chiu sa final episode ng Your Song Presents Kim bukas sa ABS-CBN.

Hindi mo aakalain na dalawang tao sila dahil magkamukha ang dalawa, parang kambal. Pareho ring kinakikitaan ng talent sa pag-arte na nakuha nila sa kanilang mga sikat na magulang. Also, both guys display comic talents na hindi nila namamalayan ay lumalabas sa kanilang pakikipag-usap sa media. Parang si Daboy nung kapanahunan niya na alam mong shy kaya dinadaan sa biro ang mga sinasabi.

Si Renz na unang humarap sa media para sa promotion ng kanyang kauna-unaang acting job ay umaming ninenerbiyos siya. Pero hindi ito naging hadlang para hindi siya katuwaan ng entertainment press sa maraming isinasagot niya sa mga tanong nila. Tulad nang magsabi siya ng pangalan ng tatlong aktres na gusto niyang makapareha at nagagandahan siya.

“Si Kim, si Maja Salvador na sabi ni Mama ay kalog na kalog at si Bea Alonzo na sabi ni Mama ay talentado.”

Nang tanungin siya kung bakit pawang mga gusto ng Mama niya ang pinli niya, wala ba siyang sari­ling gusto? Sumagot siya ng “Hindi ko pa sila kilala pero, madalas silang mabanggit sa akin ni Mama.”

Hindi lamang ang mga potensiyal niyang makaka­trabaho ang nakikilala niya sa kuwento ni LT. Sinabihan din siya nito na dapat ay mag-relax lamang siya kapag umaarte. Huwag siyang maging tense dahil hindi siya makapagde-deliver masyado ng linya niya kapag tense siya. In-apply ba niya ito sa Your Song Presents Kim?

“In-apply ko naman kaya lang kapag kaharap ko na si Kim ay nakakalimutan ko ang mga lines ko. Sa sobrang ganda niya nai-starstrcuk ako sa kanya.

“Ang ganda-ganda talaga ni Kim pero, bukod dito talentado siya, magaling, at mapagpasensiya. Hindi siya umiimik kahit ang dami kong mali. Naghihintay lang hanggang magawa ko ng tama ang mga ipinagagawa sa akin,” paliwanag niya. Sinabi rin niyang nanghihinayang siya dahil wala silang kissing scene ni Kim.

Marami sa nakakapanood ng trailer ng Your Song Presents Kim ay nakakaram­dam ng kilig dahil may chemistry sila. Mukhang nakatagpo si Kim ng bagong kapareha. At napaka-suwerte ni Renz dahil ang guwapo-guwapo ng registration niya sa screen. Bukod sa kaboses niya si Daboy, nakikita mo sa mukha niya ang kanyang ama, marami rin siyang mannerism na nakuha niya rito.

Inaamin niya na may pressure siyang nararamdaman kapag ikinukumpara siya sa kanyang mga magulang.

“Wala ako rito para makipagkumpitensiya sa kanila.Hindi ko sila mapapantayan. Andito ako para magtrabaho. Maliit pa akong bata ay pinanga­rap ko nang mag-artista pero ayaw nila. Kinailangan kong magtapos muna ng pag-aaral (Philosophy sa UP na tatlong puntos na lamang ay naging cum laude sana siya. Dahilan sa kanyang kabiguan, hindi siya nag-martsa nung graduation niya). After graduation, nag-undergo ako ng acting workshop kay Direk Laurice Guillen. I feel na kailangan kong mag-practice kung gusto kong matanggap akong artista at hindi maging kahiya-hiya sa mga parents ko. Gusto kong ipagpatuloy ang legacy nila at i-honor sila sa pamamagitan ng pagiging isa ring mahusay na artista,” paliwanag ng baguhang artista.

Walang girlfriend si Renz which makes him extra attractive sa mga girls.

Billy nagpaliwanag sa kanyang pagtaba

Hindi man sa pag-aartista nag-concentrate ang That’s Entertainment alumnus na si Ricky Rivero, ikinatutuwa ng labis ni Kuya Germs na malayo na ang inaabot ng dati niyang alaga. Nagsimula ito sa ABS-CBN bilang locations manager pero ngayon ay second unit director na ito ng Mula sa Puso, katuwang ni Wenn Deramas.

Ang mga tagumpay ng marami niyang inalagaan sa That’s ng 10 taon ang nagpapakumpleto ng buhay ng host ng Walang Tulugan na isang araw ay nakatanggap ng tawag sa isa pa niyang dating alaga, si Billy Crawford. Nabasa raw nito ang isinulat niya sa kanyang column tungkol sa tila pagpapabaya ni Billy sa kanyang katawan kaya siya tumataba. Nagbigay siya ng payo at na-appreciate naman ito ni Billy na kaya tumawag ay para pasalamatan siya sa kanyang concern.

Show comments