Hindi lamang naman si Matteo Guidicelli ang may career na inaabot ng suwerte ngayon kundi maging si Rodjun Cruz din.
Ganito rin ang tinatahak ni Rodjun na paunti-unti ay pinaliliit ang gap sa pagitan nila ng kapatid na si Rayver Cruz. Pagkatapos niyang mapansin ng buong-buo sa Juanita Banana, sa Sabado, masusubukan ang kanyang galing sa pag-arte sa Maalaala Mo Kaya. At kung madu-duplicate niya, at sana ay malampasan pa ang kanyang performance sa Juanita Banana, matatanggap na siyang isang tunay na aktor at hindi lamang bilang kapatid ni Rayver Cruz.
Binigyan siya ng isang mahalagang role sa MMK. No less than Gabby Concepcion ang makakalaban niya sa aktingan.
Sinusuwerte naman siya dahil kung sa Juanita Banana ay si Bianca Manalo ang naging kapareha niya, sa MMK leading lady niya si Bangs Garcia.
Masuwerte ang ABS-CBN dahil kung may kakulangan ang ibang networks sa mga bidang lalaki, marami silang mga aktor na hinahasa sa kasalukuyan at dumadaan pa sa mga workshops at training pero marami na rin ang handa na at hinog na for stardom. Tulad nina Matteo at Rodjun.
* * *
Parang nanood ako ng That’s Entertainment nung Linggo habang pinapanood ko ang ASAP Rocks. Kumanta kasi ang apat na second generation artists, mga anak ng artista na sumusunod sa yapak ng kanilang mga magulang na siyang forte nun ng That’s… Halos lahat ng mga napili para sanayin at i-train sa show ni Kuya Germs noon ay mga anak, kapatid, pamangkin, o basta kamag-anak ng mga artista. Tulad nina Sheryl Cruz, Tina Paner, Francis Magalona, Lotlot de Leon, Ramon Christopher, JC at Richard Bonnin, at napakarami pang iba.
Kumanta at nagsayaw sina Jessica Alarcon, anak ni Jestoni Alarcon; Queenie Padilla, anak ni Robin Padilla; Zia Padilla, anak ni ZsaZsa Padilla, at Kiana Valenciano, anak ni Gary V.
Habang nagpi-perform ang apat na baguhan, ipinako ang kamera sa mga magulang nila na buong kasiyahan silang pinanonood. Ang gandang tingnan!
Ang dami pang mga anak ng artista na naririyan lamang at naghihintay na ma-discover. Kailangan lamang ay makumbinse ang mga magulang nila na payagan silang mag-artista. Kahit na gaano karami ang mga magulang na ginagawa ang lahat ng paraan para maging artista ang mga anak nila, marami rin ang ayaw payagang mag-showbiz ang kanilang mga anak. Papayag lamang sila kapag nakatapos na ang mga ito ng pag-aaral. Magandang example ang dalawang anak ni Lorna Tolentino na nag-aartista na ngayon. Ganundin ang isang anak na lalaki ni Christopher de Leon at maging ni Tirso Cruz III.
* * *
Kung marami man ang duda na magtatagal ang relasyong Piolo Pascual at KC Concepcion, iba naman ang paniniwala ng mga magulang ni KC na sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.
Bukod sa pabor sila sa relasyon, naniniwala silang alam ng dalawa ang pinasok nila. Payo ni Gabby na maging matibay ang dalawa sa mga intrigang susuungin nila. Sabi naman ni Sharon, huwag silang paapekto at protektahan kung ano man meron sila.
Kung masisira man ang kanilang relasyon, ang kasiraan nito ay dapat manggaling sa kanila at hindi sa iba.
Ngayon nagtataka pa ba kayo kung bakit masaya sina Piolo at KC sa kanilang relasyon? Kasangga nila at kakampi sina Sharon at Gabby.