Sa rami ng pagpapaseksing gagawin ni Arci Muñoz sa kanyang serye sa TV5 na Mga Nagbabagang Bulaklak, baka hindi na niya magawang sumali pa sa alin mang paligsahan ng Binibining Pilipinas. Talagang pangarap niyang maging isang beauty queen. Marami kasi siyang hindi magagawa kung talagang sasali siya sa isang national beauty contest na tulad ng pinatatakbo ni Stella Marquez Araneta.
’Di rin siya puwedeng maging cover ng alin mang men’s mag o maging tampok sa mga inside pages nito. Sa malas, maraming isasakripisyo si Arci kung talagang pangangatawanan niya ang pangarap niyang maging beauty queen. Kung hindi naman, wala na siyang magiging problema. Puwede na siyang tumuluy-tuloy sa pagpapa-sexy.
* * *
Aba at mapapasabak pala agad sa network war ang nagbabalik na si Ali Sotto. Bibigyan ito ng isang bagong programang GMA 7 na ang makakatapat ay isang sinusubaybayang programa sa TV5 ni Amy Perez. Knowing Ali, wala itong tatanggihang programa at makasisiguro ka sa kanyang kahusayan.
* * *
Mukhang nalilinya naman tayo sa mga namamatay sa baril. Buti na lamang at mga blangko ang ginagamit sa shooting ng ABS-CBN kundi baka nagbuwis din ng buhay si Andi Eigenmann. Akalain mong sinamampalad na maputukan ito ng baril na ginagamit nila at kahit blangko ito ay nagkaroon pa rin siya ng paso ng sugat na nagdala sa kanya sa ospital?
Sising-sisi nga ang nakakalabit ng gatilyo ng hindi sinasadya, si Martin del Rosario. Aksidente ang nangyari pero kahit pa.
Baril din ang naging sanhi ng kamatayan ng karakter aktor na si John Apacible na nabaril ng kanyang tiyuhin sa isang inuman. Isa sa mga nagsimula ng bold movie si John na nang malaunan ay kinilala sa kanyang mahusay na character actor.