Miss na miss na si Marian Rivera ng kanyang fans kaya pinagbigyan ng GMA 7 ang kanilang request na magkaroon ng TV show ang idol nila habang busy ito sa taping ng Amaya.
Si Marian ang starring sa unang episode ng Ang Spooky Mo, ang Bampirella. Sa title pa lang, obvious na nagiging bampira ang karakter ni Marian kapag sumasapit ang hatinggabi. Hindi matatakot ang mga bagets na panoorin ang Bampirella dahil comedy ito, hindi horror.
May special participation si Dingdong Dantes sa Bampirella bilang suporta sa kanyang girlfriend.
Magsisimula ang Bampirella sa March 26 at isang buwan ito na mapapanood sa Kapuso network tuwing Sabado.
* * *
Nagsimula kagabi ang Mga Nagbabagang Bulaklak ng TV5 at mag-uumpisa naman sa susunod na Lunes ang Captain Barbell.
Bida si Ruffa Gutierrez sa Mga Nagbabagang Bulaklak at alam nating lahat na si Richard Gutierrez ang lead actor sa Captain Barbell.
Malabong magkatapat ang mga primetime show nina Ruffa at Richard dahil magkaiba ang mga timeslot.
Mas maaga ang airing ng Captain Barbell at late night ang oras ng Mga Nagbabagang Bulaklak.
Sanay na ang mga Gutierrez sibling na nagkakasabay ang kanilang mga TV show. Noong host pa si Ruffa ng The Buzz, kakumpitensya nito ang Showbiz Central ni Raymond Gutierrez. Nang lumipat si Ruffa sa Paparazzi, binago ang timeslot nito kaya naging katapat ng Showbiz Central.
* * *
Wala nang makakapigil pa sa concert ng XLR8, Pop Girls at RPM sa Aliw Theater sa April 1.
Handang-handa na ang tatlong grupo para sa kanilang P-Pop Explosion concert. It’s a must na panoorin ng XLR8 fans ang show dahil ito na ang huling pagkakataon na mapapanood sila na magkakasama.
Tuloy na ang pagtiwalag nina AJ Muhlach at Aki Torio sa grupo dahil mag-oober da bakod na sila sa TV5. Kasali naman ang kambal na sina MM at MJ Magno sa Star Box, ang morning show nina Ali Sotto at Papa Jack na mapapanood sa GMA 7 sa susunod na buwan.
Natatandaan ko pa ang denial ng XLR8 members sa unang presscon ng P-Pop Explosion sa Mang Inasal. Pinabulaanan nila na magkakawatak-watak sila. ‘Yun pala, may ibang direksiyon na ang kanilang mga showbiz career.
I-wish na lang natin ng good luck ang mga member ng XLR8 na magpapaalam sa grupo at susubok na maging mga solo star.
* * *
May nagpakita sa akin ng text message mula sa isang production staff member ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation. Nakalagay sa text message na sina AiAi delas Alas, Vic Sotto, at Senator Bong Revilla, Jr. ang winners ng 2010 Box-Office King & Queen titles.
Sa madaling-salita, hindi kuryente ang balita na kumalat noong nakaraang linggo dahil nakasulat din sa text message ang venue, date at oras ng event, pati na ang confirmation ng attendance ng winners.