I must confess, ang alam ko lang tungkol kay Justin Bieber ay isa itong singer na sumikat sa YouTube, para ring si Jovit Baldivino o ang Moymoy Palaboy. Kundi pa ako naimbita ng Solar Films para manood ng isang parang docu film na ipamamahagi ng United International Pictures na nagtatampok sa maituturing na pinakasikat na 17 taong gulang na singer na nakapagbenta na ng mahigit sa limang milyong album sa loob lamang ng dalawang taon (simula nang mapanood siyang kumakanta sa YouTube na ginawa niya para sa masayang panonood ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak), hindi ko pa siya makikilala.
Maliit lamang ang ginampanan ng suwerte sa kasikatan na Canadian na si Justin. Meron naman kasi siyang talento na ipinakita sa video. Maganda ang boses niya, marunong siyang sumayaw at nakatutugtog ng gitara, piano, at drums. Bukod pa sa talaga namang guwapo siyang bata.
Sampung buwan lamang siya nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Hindi ito naging dahilan para magkulang siya sa pagmamahal ng isang kumpletong pamilya. Ipinagkaloob ito sa kanya ng ina niya na bagama’t bata pa rin nang mapahiwalay sa kanyang ama pero pinagbuhusan siya ng buong atensiyon nito. Naging mahalagang figure rin sa kanyang paglaki ang kanyang lolo’t lola.
Nagsimula ang docu film na may pamagat na Never Say Never nung maliit pa si Justin at kumakanta-kanta lamang sa kanyang lugar sa Stratford, Ontario hanggang siya ay maging isang Internet phenomenon na umabot sa pagiging isang global superstar.
Pinaka-finale ng pelikula ang concert niya sa Madison Square Garden na siyang pinaka-pangarap ng lahat ng kumakanta professionally. Sold out ang concert at kinunan sa 3D.
Bukod kay Bieber, napanood sa live concert niya ang mga kaibigang sina Miley Cyrus, Will Smith, Usher, Selena Gomez, at ang libu-libong Bieber fans na lahat ay nakasuot ng mga itim na homemade T-shirts. Nakita sila sa kabuuan ng pelikula na nakikikanta kay Bieber, umiiyak, sumisigaw at nagwawagayway ng mga umiilaw na sticks.
Bukod sa kanila, makikita rin sa pelikula si Bieber na enjoy na enjoy sa kanyang pagkanta. Aakalain mo na ang maraming tagasubaybay niya ang nagbibigay sa kanya ng inspirasyon at encouragement para kumanta. Pero hindi, singing is his passion? Mamamalas ito sa kabuuan ng docu-film.
Ang Justin Bieber : Never Say Never ay mapapanood sa 2D at 3D na kapag suot mo ang salamin na ipinahihiram ay halos abot-kamay lamang ang singer. May isang parte nga sa kanyang concert na akala ko ay umaabot na ang isa niyang kamay sa akin. Magugustuhan ito ng mga fans niya sa ’Pinas na pangatlo sa pinakamarami sa buong mundo.
***
Maganda ang ginawang interbyu ni Boy Abunda kay Ethel Booba. Nabigyan ng pagkakataon ang komedyana na bigyang linaw ang isyu na nagsasabing tinangka niyang sunugin ang kanyang condo unit dahil sa kalasingan. May nagsasabi na masama ang kanyang loob dahil natuklasan niyang bakla ang kanyang karelasyon.
Unang inamin ni Ethel na nakainom siya pero hindi lasing na lasing para hindi niya malaman ang kanyang ginagawa. Nagtangka siyang magsindi ng sigarilyo pero biglang nagliyab ang isang bahagi ng kanyang tirahan dahil sa mga pintura na nagkalat. Nagpipinta siya bago siya umalis pero tumumba ang lata at natapon ang pintura. Hindi na niya nagawang linisin dahil nagmamadali siya. Sa pagbabalik na lamang niya sana ito lilinisin.
Inamin naman niya na totoong masama ang kanyang loob dahil nag-away sila ng kanyang karelasyon at pinalayas niya ito pero hindi niya tinangkang sunugin ang kanyang condo. Sinabi rin niya na hindi bakla ang karelasyon niya. Katunayan, nabuntis siya nito pero nalaglag ang bata.
Sa kanyang interview, sinabi ni Ethel na nalulungkot siya dahil lahat ng nakarelasyon niya ang tingin sa kanya ay isang ATM machine. Tsk, tsk, tsk!
***
Napanood ko si Judy Ann Santos sa TV at nakita ko na kaya siguro siya hindi nagpapakita sa publiko ay dahil nga tumaba siya. Wala namang masama. Lahat naman ng nag-aasawa’t nagkakaanak ay tumataba. Magiging problema lamang ito kapag binalak niyang mag-artistang muli, kakailanganin niyang magpapayat. ’Yung lagay na ’yun ay nagpapapayat na siya, tumatakbo’t nagdyi-gym.
Ang kailangan siguro niyang bawasan ay ang food intake niya. Sa galing niyang chef, baka pati siya ay hindi makapagpigil sa sarap ng mga niluluto niya. Kaya bawas-bawas sa pagkain, Juday. Pero bakit si Ryan (Agoncillo, her husband), fit na fit pa rin?
Gagawa ng movie si Juday sa abroad. Wala siyang magiging problema sa mga anak niya dahil puwde niyang isama ang mga ito. Bongga!