Nora pinalitan ng santambak na hurado
Marami rin ang umasam na makikita finally si Nora Aunor matapos umugong ang balita na magiging judge ito sa grand finals ng Talentadong Pinoy na ginanap nung Sabado ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo. Ilang diyaryo rin ang naglabas ng kumpirmasyon ng kanyang pagdating bagaman at may ilan ding nasabing hindi ito totoo. Sayang dahil may nakahanda nang gown at sapatos siyang gagamitin. Handa na ring salubungin siya ng dati niyang arch rival na si Batangas Gov. Vilma Santos, basta ba itatawag niya ang tiyak na oras at araw ng pagdating niya. Walang gobernadorang sumundo sa airport. Ibig sabihin walang tawag mula sa Superstar na darating siya. Yun na!
Pero hindi naging kawalan sa show ang absence ni Nora. Kung may nawalan, siya ‘yun dahil magandang dahilan na sana para siya bumalik ang pag-upo niya bilang hurado sa pinaka-sikat na palabas ng TV5. Kung si Lani Misalucha ay nakarating mula Las Vegas para rin magsilbing judge at performer sa Talentadong Pinoy, bakit hindi siya? Sa halip, ang daming kinuha para umupong hurado. Kung dati ay apat lang ang judges, nung performance night ng final showdown, 10 sila - Richard Gomez, Cong. Lucy Torres, Alice Dixson, Kitchie Benedicto, Lani Misalucha, Audie Gemora, Joey de Leon, Ruffa Gutierrez, at Annabelle Rama. O di ba bongga?!
Siyam ang naglaban-laban na sigurado kong nagpasakit ng ulo sa 10. Halos lahat magagaling pero, pinaka-magaling sa akin si Joseph the sand artist. Ewan ko, but I was touched by his performance. Kakaiba ang talent niya - pagkukuwento sa pamamagitan ng pagdo-drawing sa buhangin. Ang ganda! Sana lang maging marunong sa pagboto ang mga texter at iboto ang pinaka-magaling at hindi lamang ‘yung kaibigan at kamag-anak nila. Maski na sina Alice Dixson at Lani Misalucha ay napaiyak ni Joseph.
Maraming magagaling kumanta tulad ng New Born Divas and The Believers pero ordinaryo na ito sa mga Pinoy. Ganundin sa pagsasayaw kaya nga magagaling ang RR Friends at Belinda Adora’s Step Up Kids. Pero kakaiba hindi lamang si Joseph kundi maging sina Beatbox Gor, Sfazhiva, Xion Show na 24 years nang nagtatanghal sa Thailand pero sinawing palad dahil hindi naki-cooperate ang lubid na ginamit nila. Magaling din sana ang Fire Attraction pero sa daming umalalay sa kanila na ganundin ang ginagawa, nalito ang manonood kung sino silang apat sa grupo. Eh sila ang dina-judge.
* * *
Business pala at hindi related sa arts ang kukuning kurso ni Kim Chiu sa kolehiyo. Lumabas din ang pagiging Chinese niya sa puntong ito. Sa naipon niya, puwede na siguro siyang magtayo ng negosyo na siya mismo ang mangangasiwa kaya bakit pa nga naman siya kukuha ng kurso na malapit sa trabaho niya gaya ng pag-arte kung nage-excel na siya rito ngayon. Sayang pa nga naman ang oras at sa halip na makatapos siya ng maaga ay madi-delay pa siya.
* * *
Magsisilbing silver wedding anniversary nina Sen. Bong at Cong. Lani Revilla ang balak nilang pagpapakasal muli sa lugar na kung saan sila unang ikinasal, sa Amerika.
Kung nung una ay ang ina lamang ni Bong ang naka-attend, this time makakasama si Sen. Ramon Revilla Sr. at maging ang buong pamilya ng mag-asawa at ang lahat ng mga tumayong principal sponsors. Kung pamamasahihan silang lahat ng senador ay hindi malinaw pero imbitado sila.
Napaka-suwerte ni Lani, nakakatatlong kasal na siya kay Bong. Ngayon, mahihirapan na talaga silang maghiwalay. Joke lang!
- Latest