Mama Salve, may kaagaw na si Mutya sa puso ko dahil favorite ko na rin si Chabita, ang malusog na bagets na palaging nang-ookray sa kanya.
Type na type ko kapag nagmamaldita si Chabita. Kung hindi ninyo kilala si Chabita, manood kayo ng Mutya dahil siya ang kontrabida sa buhay ni Mutya. Madaling makilala si Chabita dahil sa kanyang itim na labi at parang dry na dry na buhok.
Gustung-gusto ko na ngang madagdagan ang aking 38 pet dogs dahil kung magkakaroon ako ng bagong alaga, Chabita ang ipapangalan ko sa kanya bilang tribute sa child star na paborito ko.
* * *
Halata ang tuwa sa mukha ni Jay Manalo sa presscon na ipinatawag ng kanyang manager na si Annabelle Rama.
May dahilan si Jay na matuwa dahil pinupuri ng mga reporter ang acting niya sa Babaeng Hampaslupa.
Kung hindi pa ninyo alam, ang galing-galing ni Jay sa Babaeng Hampaslupa bilang Charles Wong. Knows ko ang name ng karakter ni Jay dahil pinapanood ko rin ang Babaeng Hampaslupa.
Tama lang na si Annabelle ang naging manager ni Jay dahil madisiplina siya sa kanyang mga talent.
Ang sey ni Jay, hindi raw totoo ang mga tsismis noon na pasaway siya na nakaapekto sa kanya.
Totoo man o hindi ang mga balita, with Annabelle around, siguradong may direksiyon na ang career ni Jay.
Sampu pala ang mga anak ni Jay at commercial model ng isang beauty product ang panganay na anak na babae ni Jay.
Pinayuhan ni Jay ang anak na tapusin muna nito ang pag-aaral. Sa ganda ng anak ni Jay, puwedeng-puwede ito na pumasok sa showbiz at sundan ang yapak ng kanyang ama.
Alaga na rin ni Bisaya si James Blanco na matagal din na nagpahinga sa pag-arte dahil inasikaso niya ang mga negosyo nila ng kanyang misis.
Big time na si James porke successful ang kanilang mga business pero hindi niya matalikuran ang showbiz.
Nagsimula sa GMA 7 ang showbiz career ni James.Talent siya noon ng GMA Artist Center at ngayon, alaga na nga siya ni Bisaya.
May plano na si Bisaya kay James. Gagawin daw niyang kontrabida si James at malapit na itong matupad dahil ka-join ang aktor sa cast ng Mga Nagbabagang Bulaklak na magkakaroon ng big presscon sa susunod na linggo.
Starring sa Mga Nagbabagang Bulaklak sina James, Arci Munoz, Valerie Concepcion, at Ruffa Gutierrez. Kasing-ganda raw ng Babaeng Hampaslupa ang kuwento ng bagong drama series ng TV5.
* * *
Ang pagkain ng yogurt ang kinalolokohan ko ngayon. Talagang nagpunta ako sa yogurt store sa tabi ng Imperial Palace Hotel pagkatapos ng presscon ng mga talent ni Bisaya.
Mula sa yogurt store, may- I- go home na ako dahil ayokong ma-miss ang Mutya at ang Minsan Lang Kita Iibigin. Magkikita kami bukas nina Lorna Tolentino at Amy Austria. Ikukuwento ko sa kanila ang mga eksena nila para maniwala sila na pinapanood ko ang Minsan Lang Kita Iibigin.