Anne seryoso sa pagkanta

Feel na feel ni Anne Curtis ang pagiging singer. Wala siyang care kahit nawawala na siya sa tono. Kahapon sa thanksgiving presscon ng pelikula nila ni Luis Manzano na Who’s That Girl?, nakadalawang kanta siya. At walang pilitan. Siya mismo ang nagbo-volunteer na kakanta.

In fact, magkakaroon na raw siya ng solo album at mag-uusap na sila ni Viva big boss Mr. Vic del Rosario kung anong magiging concept ng kanyang debut album na maglo-launch sa kanya sa panibagong career – ang pagkanta. Bonus daw ‘yun sa malaking kita ng pelikula nila ni Luis na as of yesterday ay naka-P60 million na raw.

Binuking din ni Direk Wenn Deramas na sa shooting nila ng Who’s That Girl? pag matagal silang nagsi-set up at narinig na nilang kumakanta si Anne, nagmamadali na silang magsimula ng shooting.

Confident si Anne na magiging bongga ang recording career niya oras na matapos ang gagawin niyang album.

Love raw talaga niya ang music at walang makakapigil sa kanya.

* * *

Kung sikat sa bansa ang mga Korean Pop group, aba hindi naman pala nagpapahuli sa kasikatan ang mga Pinoy pop group sa pangunguna ng grupong XLR8, Pop-Girls and RPM na magsasama-sama sa isang concert, Pop Explosion, na gaganapin sa April 1, Friday, 8:00 p.m. sa Aliw Theater.

At nakakagulat na sikat na sikat sila at tinitilian lalo na ang grupong XLR8. Mga mukhang Koreano ang members pero mga Pinoy na Pinoy pala sila. Regular sila sa Party Pilipinas at shocked ang mga taga-GMA 7 na sila ang mas tinitilian at mataas ang rating ng portion nila sa nasabing Sunday show ng Kapuso Network.

Nanghihinayang nga ang iba kung pakakawalan sila ng GMA dahil matunog ang balitang lilipat na sila ng TV5.

Ang grupo ay binubuo nina Kiko, Aki, Caleb, twins MM and MJ, Arkin, AJ and Carlo. Nakakasayaw at nakakakanta sila.

Ang Pop Girls naman ay binubuo ng five teenaged girls : Rose, Schai, Nadine, Joanna and Angellie. Parang sisikat na artista ang dalawa sa mem­ber nila.  Artistahin kasi ang da­ting at ‘yung isa ay kamukha pa ni Anne Curtis.

Ang RPM (Real Pinoy Music), Viva Records’ newest P-Pop group ay binubuo nina Carl Trazo, Chris Salcedo, Pio Balbuena, Vince Yap and Anna Luna, Samantha Page and Yanna Garcia.

Mukhang may kinabukasan din sila sa pagkanta.

Kung sabagay, si Mr. Vic del Rosario ang namili sa kanila para mapabilang sa grupo kaya hindi nakakadudang magagaling sila.

Show comments