Baby girl ang isinilang kahapon ni Lian Paz sa St. Luke’s Hospital. Xalene Abrianna ang name ng bagets na carbon copy ng kanyang tatay na si Paolo Contis.
Nanganak si Lian via caesarian section at noong nakaraang taon, na-caesarian din siya nang isilang niya si Xonia Aitana. Hindi madali ang magbuntis at manganak, lalo na kung caesarian kaya hindi pa dapat masundan sa lalong madaling-panahon si Xalene Abrianna.
* * *
Hindi natuloy ang pagbalik kahapon sa Pilipinas ni Nonito Donaire, Jr. at ng kanyang misis na si Rachel.
Inaabangan ang pagdating ng mag-asawa, hindi dahil sa tagumpay ni Donaire sa nakaraan na laban nila ni Fernando Montiel. Hinihintay ang pagbabalik-Pilipinas nina Rachel at Nonito dahil gustong makita ng mga Pinoy ang magiging trato sa kanila ng Philippine media.
Marami ang imbiyerna sa mag-asawa dahil ang media ang sinisisi nila kaya lumaki ang away ni Nonito sa kanyang ama.
Paano malalaman ng media ang mga personal na problema ng pamilya Donaire kung hindi sila ang nagkukuwento?
Nababalewala ang paghingi ng paumanhin sa media ng tatay ni Nonito Jr. dahil hindi tumitigil sa pag-atake sa mga sports writers ang kanyang anak.
* * *
Congrats kay Jo-Ann Maglipon ng YES! magazine dahil member na siya ng Appeals Committee ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Mismong si President Noynoy Aquino ang nag-appoint kay Mama Jo-Ann sa posisyon nito sa Appeals Committee.
Hindi nagkamali sa P-Noy sa kanyang desisyon dahil tiyak na asset sa MTRCB si Mama Jo-Ann. Malaking tulong sa entertainment industry ang husay at talino ng batikang journalist na naranasan na makulong noong panahon ng martial law dahil sa pakikipaglaban na maibalik ang demokrasya sa ating bansa.
Nadagdagan na naman ang work ni Mama Jo-Ann dahil maliban sa pagiging editor-in-chief ng YES! at PEP, doting lola siya sa kanyang one and only apo.
* * *
Maagang nagsimula ang boxing training ni Congressman Manny Pacquiao para sa May fight nila ni Shane Mosley.
Nag-umpisa ang training ni Manny sa General Santos City noong nakaraang linggo. Ang boxing training niya ang rason kaya pinagupitan ni Manny ang kanyang mahabang buhok para hindi ito maging sagabal.
Iniisip ko pa kung panonoorin ko ang laban nina Pacquiao at Mosley sa Las Vegas. May nag-imbita sa akin na manood pero tumanggi ako dahil wala sa plano ko ang pumunta sa Amerika pagkatapos ng bakasyon ko sa Paris.
Hindi ko naman akalain na magpapakasal uli sa California sina Sen. Bong Revilla, Jr. at Rep. Lani Mercado sa kanilang silver wedding anniversary sa May. Kung sinabi nila kaagad sa akin ang kanilang plano, hindi ko na tinanggihan ang nag-iimbita sa akin na panoorin ang laban nina Pacquiao at Mosley sa Las Vegas.
Ang manugang ko na Amerikano ang No. 1 fan ni Pacquiao. Sa tuwing may laban si Pacquiao, gumagawa siya ng paraan na manood, hitsurang mag-file siya ng leave of absence. Kapag nalaman ng manugang ko na pupunta ako sa California para sa renewal of vows nina Bong at Lani, baka kulitin niya ako na manood ng boxing fight nina Manny at Mosley.
Si Pacquiao lamang ang boxer na hinahangaan ng aking manugang. Ni hindi ko nga alam kung kilala niya si Nonito Donaire, Jr.