Bandang mula Nueva Ecija panalo sa Muziklaban tribute kay Francis M

MANILA, Philippines - Napanalunan ng bandang Light of Luna mula Nueva Ecija ang nakaraang Red Horse Muziklaban Rock Challenge na inialay sa yumaong musician na si Francis Magalona.

Ang naturang banda na kinabibilangan nina Jhunter Alejandro (vocals/guitar), Alvin Perez (bass guitar), at Charlie Sin (drums) ay nag-uwi ng P1,000,000 na premyo, kasama na ang P500,000 tax-free cash prize at ang one-year endorsement contract sa Red Horse Beer at pagsama sa nationwide tours nang nangungunang extra strong beer sa buong bansa.

Sila ang napili ng mga huradong sina Reg Rubio at Audz Avenido ng Greyhoundz, Ian Tayao ng Wilabaliw, Mally Paraguya ng P.O.T., Bel Sayson ng Music Source and 6Underground, at Brian Velasco ng Razorback. Tinalo nila ang mga bandang galing sa Pasig City, Cavite City, Bacolod City, at Davao City.

Nagpasalamat ang Light of Luna dahil ang Red Horse Muziklaban ang magsisilbing daan nila para sumikat at marinig ng mas maraming Pilipino sa event na pinasinayaan din nina Manny Pacquiao, Arnel Pineda, Pepe Smith, Isabel Daza, Jericho Rosales, Greyhoundz, Slapshock, Brownman Revival, at mga dating nagwagi sa Muziklaban.

Napanood din ng madla ang Magalona kids sa pangunguna ni Elmo Magalona na nagpasalamat rin sa beer sponsor sa pagbibigay-pugay sa kanilang ama. Maliban sa rock music competition ay mayroon ding contest para sa mga local tattoo artists, film makers, at extreme sports enthusiasts.

Ang Red Horse Beer Muziklaban ay co-presented ng Francis M Clothing Company. Para mapanood ang mga nangyaring kaganapan, magpunta lamang sa www.redhorseber.com.

Show comments