MANILA, Philippines - Ayaw ng US pop icon na si Lady Gaga na magkaroon siya ng kinalaman sa isang breast milk ice cream na tinatawag na Baby Gaga at lubhang mabili ngayon sa London.
Dahil dito, nagbabala ang mga abogado ni Lady Gaga na idedemanda nila ang tagagawa ng Baby Gaga.
Binigyan ng mga abogado ang manufacturer ng naturang ice cream ng hanggang Miyerkules para palitan ang pangalan nito. “Kung ayaw niyong maasunto dahil sa trademark infringement, palitan n’yo ’yan,” sabi nila sa kanilang sulat sa London restaurant na Icecreamists Limited.
Sinasabi pa sa sulat ng law firm na Mischcon de Reya ng New York na dapat itigil ng café na nasa Covent Garden district ang pagkabit ng pangalan ni Lady Gaga sa kanilang ibinebentang sorbetes.
Sinabi pa sa sulat na sinasamantala at sinasakyan ng Icecreamist ang trademark ni Lady Gaga na hindi parehas at nakakapagpahilo sa ibang tao.
Napatunayang patok na patok sa mga kustomer ang sorbetes na ang unang batch ay naubos agad sa unang araw ng bentahan.
Ang ice cream ay gawa sa gatas ng 15 babae na tumugon sa isang anunsyo sa isang mother’s forum sa Internet.
Bawat serving ng ice cream ay nagkakahalaga ng 22.5 pounds at isini-serve ng mga waitresses na nakasuot ng costume na katulad ng kay Lady Gaga.
Pero nabatid na, sa kasalukuyan, tinanggal sa menu ang ice cream matapos itong ipakumpiska ng Westminster City Council para matignan kung ligtas itong kainin ng tao.
“Kinukuha namin ang ice cream para sa samples,” sabi ng isang tagapagsalita.
Inaasahan nilang lalabas sa Lunes ang resulta ng pagsusuri sa Baby Gaga.
Pero hindi ipinagbabawal ang ice cream. Nagboluntaryo lang ang may-ari na huwag na munang gumawa at magbenta nito hangga’t wala pang resulta ang pagsusuri.
Ang breast milk o gatas ng ina ay maaaring magdala ng viral infection tulad ng hepatitis.