Actress na galing sa reality show nabiktima rin ng panghihipo ng male TV host

Parang drama sa teleserye ang nangyaya­ring hearing sa Senate. Kahapon, medyo exciting dahil umapir ang napaka-kontrobersiyal na asawa ng military comptroller na si Jacinto Ligot, si Mrs. Erlina Ligot.

Nag-break down agad si Mrs. Ligot at nag-shot up ang blood pressure kaya hindi na agad siya naurirat ng members ng Senate Blue Ribbon Committee.

Pinaiinom siya ng tubig at siyempre ina-appease ng asawa sa harap ng mga senador na napapanood sa buong bansa dahil live ang coverage ng mga news channel na dati ay isa lang ang nagko-cover pero nga­yon ay dalawa na dahil tuluy-tuloy na rin ang coverage ng GMA News Channel.

Dati ang ABS-CBN Channel lang ang nagki-carry. Kaya daig pa ang isang teleserye sa nasabing Senate hearing tungkol sa umano’y corruption sa military.

Actually, kahit eksena sa pelikula, taob sa hearing kahapon at maging sa mga nagdaang hearing.

Kaya nga nakakatawang nagtanong pa si Sen. Jinggoy Estrada kay Mrs. Ligot ng “Kumusta naman kayo Mrs. Ligot.” Siyempre mas lalong natakot ang asawa ng general. Kaya ayun, umiyak at tumaas ang dugo ni misis na umano’y nagkamal ng ilang daang milyones sa panahon ng panunungkulan ng kanyang asawa sa military.

Bakit hindi dito kumuha ng mga kuwento ang maraming writers ngayon sa TV? Maraming puwedeng gawing story tungkol sa nangyayaring imbestigasyon.

Medyo ibahin lang nila.

Halimbawa, kunyari ay idinenay ni Mr. Ligot ang asawa at sinabi sa mga senator na wala na siyang alam sa nangyayari sa asawa niya dahil may iba na itong kinakasama. Aba interesting na twist ito ng kuwento. O kaya naman sinabi niya na may iba na siyang kinakasama at nagkahiwalay sila dahil babaero siya.

Lately kasi, karamihan ay remake ang napapanood nating kuwento sa mga teleserye. Gawa kaya sila ng iba na puwedeng base sa nangyayaring imbestigasyon sa senado.

Actually sa mga nangyayari sa ating bayan sa kasalukuyan, walang sinabi ang mada-dramang kuwento sa pelikula at mga teleserye.

* * *

Hindi pala umubra ang kabastusan ng isang male TV host sa isang magandang aktres. Ayon sa source, hindi pa natatagalan nang makatanggap ng offer ang magandang aktres na maging host ng programa ng male TV host. So nag-meet daw ang dalawa para mag-bonding. Ang kaso mo, hindi raw nakapagpigil si male TV host sa ganda ng actress.

Literal na tsinansingan agad ng male TV host ang actress. Kaya ang ending, hindi na raw tinanggap ng actress ang offer ng male TV host. Hindi raw nito kinaya ang ugali ng TV host.

Kakalipat lang ng network ng actress at produkto siya ng isang reality show.

Show comments