Ibang Kapamilya actors tinalbugan, Coco parang superstar ng ABS-CBN!
MANILA, Philippines - Bidang-bida uli si Coco Martin. Kaya naman may issue na kaliwa’t kanang suwerte ang dumating sa kanya ngayon. Parang superstar na kasi ang status ni Coco sa bagong teleserye ng ABS-CBN na Minsan Lang Kitang Iibigin. Tinalbugan pa niya ang ilang aktor ng Kapamilya Network.
Pero ayon naman sa insider ng Dos, deserving si Coco sa nasabing bonggang break dahil may napatunayan naman siya bilang isang aktor.
Actually, hindi lang naman si Coco ang bida sa bagong serye.
Ang mga pinagsamang galing ng mga gaganap — Andi Eigenmann, Maja Salvador, Tonton Gutierrez, John Estrada, Ronaldo Valdez, Boots Anson-Roa, Amy Austria, at Lorna Tolentino — ang uukit ng marka sa larangan ng showbiz na siya ring kukumpleto sa inyong primetime gabi-gabi.
Pero ito na ang itinuturing na biggest break ni Coco na bibigyang katauhan niya ang dalawang role. “Sundalo ako rito at tulisan. Dalawang magkaibang karakter po,” pagbabahagi ni Coco. Ito na rin ang pinakamahirap na role na bibigyan niya ng buhay.
Itatambal kay Coco ang dalawa sa pinakamagagandang mukha ng kanilang henerasyon, sina Andi at Maja, na pareho ring magagaling.
“Grabe ’yung role ko rito. Lahat ng training na pinagdaanan ng mga sundalong lalaki, ginawa ko rin. This is the toughest role I have ever portrayed,” paglalahad ni Andi.
Ipinahayag naman ni Maja kung gaano siya kasaya sa kakaibang karakter niya sa serye, “NPA ako dito eh. Sa masukal na kagubatan kami nakatira. Ang saya, kasi ’yung mga bagay na ’di ko pa nararanasan sa totoong buhay, at least may pagkakataon akong ma-experience sa pamamagitan ng seryeng ito,” sabi ni Maja.
Magkakaroon rin ng espesyal na partisipasyon ang ilan sa mga kilalang Kapamilya artists na sina Kim Chiu, Erich Gonzales, Xian Lim, Agot Isidro, Albert Martinez, and Angel Aquino.
Sa ilalim ng direksyon ni Ruel Bayani, ang Minsan Lang Kitang Iibigin ay iikot sa kaibahan ng dalawang mundo, ang mundo ng mga sundalo at mundo ng mga tulisan, at kung paano magiging daan ang kanilang pagkakaiba sa kanilang pagtatagpo ng landas.
Nadine mangangaliwa
Matapos magkolehiyo, nagtrabaho si Vivian (Maxene Magalona) sa isang medical company na kilala sa cosmetic surgery. Doon, muli niyang makikita si Arthur (Marco Alcaraz) at aasang magkakabalikan sila ngunit mabibigo siya nang malaman niyang kasal na ito kay April (Nadine Samonte). Pipilitin niyang limutin ang sakit na nadarama at agad na mahuhulog ang loob sa medical representative na si Lawrence (Luis Alandy).
Magpapakasal sina Vivian at Lawrence subalit malalaman ng lalaking panakip-butas lamang siya. Pagmamalupitan niya si Vivian at pasasakitan sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan kina Arthur at April. Si Vivian naman ay magtitiis alang-alang sa kanilang anak.
Samantala, mahuhuli ni Arthur na nangangaliwa si April at hindi sinasadyang masasangkot siya sa pagkamatay ng lalaki nito. Pipilitin siya ni April na huwag sumuko sa mga pulis dahil takot itong masira ang reputasyon kapag nabunyag ang buong pangyayari.
Sa kanyang pagtakas, maaaksidente si Arthur kasama si Lawrence at ito ang ikamamatay ng huli. Makakaligtas naman si Arthur subalit labis na nasunog ang mukha nito. Nagkamalay na lamang itong taglay ang mukha ni Lawrence dahil naoperahan.
Paano na ngayong angkin na ng pinakamamahal ni Vivian ang katauhan ng malupit niyang asawa? Makilala kaya niya ito sa kabila ng mukhang nagtatago sa tunay nitong pagkatao? Sino kina Vivian at April ang karapat-dapat tawaging asawa ni Arthur na ngayon ay si Lawrence na?
Ito ang takbo ng istorya sa My Lover, My Wife na kasama rin sa cast sina Carmi Martin bilang Ms. Charity, ina ni April at most sought-after cosmetic surgeon; Ernie Garcia bilang Ramon, ama ni Vivian; Maybelline Dela Cruz bilang Ellen, nakatatandang kapatid at matalik na kaibigan ni Vivian; Princess Snell bilang Hazel, sosyalerang kaibigan ni April; Jace Flores bilang Cesar, kaibigan ni Lawrence; at si Syrael Jester bilang Nicolo, ang anak nina Lawrence at Vivian.
Sa direksiyon ni Jay Altarejos at sa panulat ni Suzette Doctolero, ang My Lover, My Wife ay magsisimula ngayong Lunes, Feb. 28, pagkatapos ng Nita Negrita sa GMA Dramarama sa Hapon.
Mapapanood din ang My Lover, My Wife worldwide simula Marso 3 sa GMA Pinoy TV.
- Latest