MANILA, Philippines - Limang parangal ang inuwi ng ABS-CBN Corporation para sa matagumpay nitong PR campaigns kabilang na ang Bronze Anvil award para sa Guinness World Record-breaking fun run nito na 10.10.10 Run for Pasig River sa ginanap na 45th Anvil Awards na siyang kinikilalang Oscars ng local PR profession.
Wagi rin ang ABS-CBN ng Awards of Excellence para sa Boto Mo, iPatrol Mo, DZMM Kapamilya Shower Na, Sagip Kapamilya, at muli, ang 10.10.10. Run for Pasig River na pawang nakatuon sa serbisyo publiko at humihimok sa mga Pinoy na maging aktibong miyembro ng lipunan na may pakialam sa kalikasan, sa bansa, at sa kapwa mamamayan.
Ipinakita ng 10.10.10. Run for Pasig River sa buong mundo kung paano sabay-sabay na tumakbo ang 116,086 Pinoys para mapaganda ang makasaysayang Pasig River.
Ang multiplatform election campaign na Boto Mo, iPatrol Mo naman ay matagumpay na nagpataas ng voter registration noong nakaraang halalan at dahil din dito kung kaya’t naibalita agad ng ABS-CBN ang pinakamainit na mga election stories tulad ng karumal-dumal na Maguindanao massacre ng isang Boto patroller ang unang nagpadala ng larawan mula mismo sa crime scene.
Samantala, tinulungan ng DZMM Sagip Kapamilya ang libu-libong Pilipino na nawalan ng tahanan sa pamamagitan ng paggawa ng isang 20-foot container van sa isang mobile shower facility na siyang pinakinabangan ng mga biktima ng Ondoy na nagsisiksikan sa mga evacuation centers.
Nilikom naman ng Sagip Kapamilya ang pangunahing mga pangangailangan ng mga Ondoy victims, mapa-pagkain man, kumot, at ipinamahagi ito via relief operations na nilahukan ng ABS-CBN executives, stars, employees at maging ordinaryong mga mamamayan.
Ang Anvil Awards ay taunang parangal ng PRSP na nagbibigay pugay sa natatanging public relations programs at tools sa bansa.