MANILA, Philippines - Pagdating sa mga programa sa primetime, nakatutok sa mga teleserye ng ABS-CBN ang mas maraming Pilipino sa buong bansa, kasama ang Mega Manila dahil ayon sa datos mula sa Kantar Media/TNS para sa February 1 hanggang 15, patuloy na tinatalo ng Mutya, Mara Clara at Imortal ng ABS-CBN ang ang mga katapat nitong programa sa GMA 7 sa Metro Manila, Mega Manila at sa buong bansa.
Naagaw na ng ABS-CBN ang korona ng GMA 7 sa Mega Manila primetime. Nanguna ang Mara Clara na may average rating na 27.6% habang ang iba pang shows ng Kapamilya network ay naghahari rin sa kanilang mga timeslots tulad ng Mutya (23%) at Imortal (21.6%).
Nationwide, naungusan na ng todo ng ABS-CBN ang mga kalaban nito.
Ngayong Pebrero, hindi lang hawak ng ABS-CBN ang national leadership pagdating sa TV ratings. Naghahari na rin ang nasabing istasyon sa primetime TV sa Mega Manila na dating pinangunahan ng GMA.