TRUE : Hindi pa rin inaamin nina Ervic Vijandre at ng dating Sex Bomb dancer Aifah Medina na sila na kahit nakunan silang magkasama na namamasyal sa Hong Kong.
Ayaw magsalita si Aifah, pero si Ervic ay nagsalita sa Startalk at sinabi lang niyang nasa stage pa lang daw sila ng “getting to know each other.” Kaya hanggang sa Hong Kong ay inaalam pa rin nila ang isa’t isa?
Kasama raw kasi ni Ervic ang magulang niya at mga kapatid at naisip daw niyang isama si Aifah para magkaroon daw sila ng panahon na mag-bonding.
Ibig sabihin, tanggap na si Aifah ng pamilya ni Ervic?
TANONG : Bukod kay Aifah, pati pala si Rochelle Pangilinan ay matagal na ring wala sa Sex Bomb?
Kasali si Rochelle sa Amaya at nung nakaraang story conference ay sinabi nitong maayos naman daw ang paghihiwalay nila ni Joy Cancio at hanggang ngayon ay magkaibigan pa rin daw sila. Patuloy pa rin daw siyang nagbibigay ng commission kay Joy pero hindi na raw kagaya ng dati na 30 percent ang kinakaltas sa kanyang talent fee.
TOTOO KAYANG si Sam Milby ang nakitang pumunta sa Party Pilipinas ilang linggo na ang nakaraan?
Sinubukan ng Tweetbiz na itanong ito kay Sam, pero hindi niya sinagot dahil hindi raw siya nakapunta pa sa studio ng Party Pilipinas ng GMA 7.
Pero marami ang nakakitang si Sam iyun kasama si John Prats na sumundo kay Rachelle Ann Go.
TSIKA LANG : Sa Lunes, Februrary 21 ay iri-relaunch ang dalawang news program ng GMA 7, ang 24 Oras nina Mike Enriquez at Mel Tiangco, at ang Saksi nina Arnold Clavio at Vicky Morales.
Intensified na pamamahayag at mga latest na pagbabalita sa state of the art na set ang makikita sa bagong bihis na news program ng GMA 7.
Pero sa kabila ng mga pagbabagong ito, nandiyan pa rin ang prinsipyong pinanghahawakan ng GMA News and Public Affairs na “walang kinikilingan, walang pinoprotektahan, walang bahid pulitika, serbisyong totoo lang”.
Bilang paghahanda na rin ito sa pagsisimula ng GMA News TV sa Channel 11 na magbubukas na rin sa February 28.