Lisa Macuja at Side A pinagsama sa Ballet, Band, & Ballads'

MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon, magsasama sa isang palabas ang pangunahing alagad ng ballet sa Pilipinas at isa sa pinakasikat na pop band ng bansa.

Ang pinagkakapuring Ballet Manila, tampok si Lisa Macuja Elizalde, at ang Side A ay sabay na magtatanghal sa Ballet, Band and Ballads na gaganapin sa ika-18 hanggang ika-20 ng Pebrero sa Aliw Theater, Star City, CCP Complex sa Pasay.

Handog ng Manila Broadcasting Company at Ballet Manila, tampok din sa naturang palabas ang world premiere ng Love Beyond Good-Bye – sa choreography ng batikang si Manuel Molina, na sa­saliwan ng mga awitin ni Josh Groban

Aawitin ng Side A ang kanilang signature songs, kabilang ang Forevermore at Tuloy Pa Rin Ako.        

Kasama rin sa pagtatanghal ang Less Sylphides ni Augusto Damian, tampok ang 21 lalaking nagba-ballet at ang Summer’s End, isang romantikong sayaw na pandalawahang nilikha ni Norman Walker. Ang dalawang piyesa ay sasaliwan ng musika ni Frederick Chopin.

Ang Ballet, Band and Ballads ay kasama sa serye ng mga palabas na iminungkahi noon pang 1997 ng MBC chairman na si Fred J. Elizalde upang pag­haluin ang classical ballet at pop music. Napanood na ang mga palabas sa iba’t ibang paaralan at tanghalan hindi lamang sa kalakhang Maynila, kundi pati na sa Dagupan, Cotabato, Iloilo, Cebu, Bacolod, Naga, Legazpi, Davao, Cagayan de Oro at Baguio.

Nakasama rin noon ang iba’t ibang mang-aawit tulad nina Lani Misalucha, Janno Gibbs, Jaya, Nyoy Volante, Karylle, Kyla, at ang bandang Freestyle.

Ang pagtatanghal sa ika-15 ng Pebrero ay upang makalikom ng pondo para sa World Association of Psychosocial Rehabilitation (WAPR).

Para sa karagdagang kaalaman, tumawag sa tanggapan ng Ballet Manila, telepono bilang 400-0292 at 525-5967. Ang mga tiket sa opening night ay mabibili rin sa Ticketworld, telepono bilang 891-9999 o tingnan sa website na www.ticketworld.com.ph

Show comments