Aba, ang dami-daming projects ni Lotlot de Leon sa GMA 7, nakakatuwa! Katatapos lang ng isa, may kasunod na agad. ‘Yun nga lang, na-typecast na siya sa mga mother roles. Pero okay lang naman ito sa isa sa mga anak ni Nora Aunor.
Ang mahalaga ay may trabaho siya. At dahil talaga namang bata pa, nakakapaglaro siya sa kanyang role bilang nanay. Puwede siyang batang nanay, matandang nanay, sosing nanay, puritang nanay at bida o kontrabidang nanay.
Hindi eksklusibo si Lotlot sa Kapuso Network, kung saan siya may trabaho. Pero dahil sunud-sunod nga ang proyekto niya sa GMA kung kaya maituturing na siyang isang tunay na Kapuso.
Katulad ng maraming nag-aabang sa pagbabalik ni Nora, excited din si Lotlot na makitang muli ang ina. Silang lahat na magkakapatid.
Naghihintay lang sila kung kelan ito magaganap. Dahil mga anak ni Nora, mas alam nila ang galaw nito kesa sa mga nagdudunung-dunungan at nagbibigay ng maling impormasyon at gumagawa pa ng isyu. May kontak sila na malapit sa ina at ito lamang ang paniniwalaan nila.
* * *
Pinakamalaki kaya ang bonus ni Eugene Domingo sa My Valentine Girls? Lahat ay nagkakaisa na malaki ang naging ambag niya sa tagumpay ng movie na nagtatampok kina Richard Gutierrez, Rhian Ramos, Lovi Poe, Solenn Heussaff, at Jillian Ward. Lahat ng nanood ay umaming naging interesado sila sa pelikula dahil sa sinasabing halikan nina Uge at Richard. Hindi naman sila nabigo dahil nasiyahan sila sa eksenang ito ng dalawa. Talaga raw riot.
Ang suwerte-suwerte ni Uge, kinaiinggitan siya ng marami dahil pawang mga papa ang nakakahalikan niya. Hindi pa man nawawala sa isipan ng marami ‘yung laplapan nila ni Diether Ocampo sa ginawa nilang movie ay heto’t gumawa na naman ng history ang kissing scene nila ni Richard.
* * *
Mukhang hindi pa napapanahon ang pagbabalik ng mag-asawang Direk Carlo Caparas at Donna Villa sa pagpoprodyus ng pelikula para sa kumpanya nilang Golden Lion. Mauuna sana nilang gawin ‘yung kay Hubert Webb pero hindi pa lubusan ang pagpayag ng pamilya Webb na maisapelikula ang buhay ng matagal na nabilanggong anak. Kaya naisip nilang unahin na muna ‘yung biopic ng kamamatay lang na si Gen. Angelo Reyes.