Expected na hindi papayagan ni Congressman Manny Pacquiao na pumasok sa showbiz ang kanyang misis na si Jinkee dahil sa kanilang apat na anak at mga negosyo.
Hindi kailangan ni Jinkee na magtrabaho dahil good provider si Manny pero naintriga ako sa balita na isang television network ang nag-aalok kay Jinkee ng isang talk show na mala-Oprah Winfrey.
Nagkataon pa na kinumpirma ni Jinkee ang balita na makikipagkita siya sa mga popular US TV hosts na sina Jimmy Kimmel at Ellen DeGeneres.
Nangangahulugan ba ito na type ni Jinkee na magkaroon ng hosting career at may katotohanan ang tsismis na inaalok siya ng show ng isang TV network?
Malalaman natin ang tumpak na kasagutan sa pagbabalik ng mag-asawa na kasalukuyang nasa Amerika dahil sa promo tour ni Manny para sa boxing match nila ni Sugar Shane Mosley sa May.
Jinkee nagdalawang isip sumama sa Amerika
Nagdadalawang-isip si Jinkee na sumama sa Amerika dahil marami siyang dapat asikasuhin sa Pilipinas.
Nagbago ang isip ni Jinkee dahil na rin siguro sa mga nagpayo sa kanya na malaki ang chance na ma-meet nila ni Manny sa White House ang mag-asawang Barack at Michelle Obama.
May mga nagsasabi na baka hindi matuloy ang meeting na pinapangarap ni Manny pero confident ang mga nasa paligid ng Pambansang Kamao na positive ang magiging resulta ng pagdalaw nila sa Washington, DC dahil nasa good mood si Pres. Obama, porke umalis na nga sa puwesto si Egypt President Hosni Mubarak. Imbiyerna si Obama kay Mubarak dahil pinatagal pa nito ng dalawang linggo ang mga kilos protesta sa kanyang bansa bago siya nagdesisyon na mag-babu sa puwesto.
Sharon maraming nakakalokang kuwento
Nakikiramay ako sa mga naulila ni Love De Guzman, ang anak ni Kuya Mar D’ Guzman Cruz na sumakabilang-buhay dahil sa sakit na leukemia.
Nakaburol ang labi ni Love sa Mount Carmel Church sa Quezon City at naka-confine naman si Kuya Mar sa St. Luke’s Hospital dahil sa mild stroke.
Nagpunta ako noong Sabado sa burol ni Love at dito ko naabutan si Sharon Cuneta. Mahal na mahal ni Sharon si Kuya Mar na dating editor ng mga entertainment magazines. Binisita ni Sharon si Kuya Mar sa ospital at dumalaw din siya sa burol ni Love.
Maraming kuwento si Sharon nang magkita kami at naloka ako sa kanyang matalas na memorya dahil kilala niya ang maraming tao na nakiramay sa pamilya ni Kuya Mar. Hindi lang basta kilala as in natatandaan ni Sharon kung saan at paano sila nagkita. Hindi talaga dapat pagtakhan kung bakit naging Megastar si Sharon.
Hindi ko puwedeng i-share sa inyo ang mga napagkuwentuhan namin ni Sharon dahil karamihan eh tungkol sa kanyang personal na buhay.
Pero hindi ko makakalimutan ang kanyang kuwento na type na type niya ang kanilang bahay sa Sta. Rosa, Laguna dahil sariwang hangin ang nalalanghap nila doon ng kanyang pamilya.
Richard at Solenn puwedeng mauwi sa seryosong relasyon
Pinilahan kahapon sa mga sinehan ang 5th day ng My Valentine Girls at pami-pamilya ang mga nanood. Maganda ang mga reviews sa pelikula ni Richard Gutierrez at malaking tulong ang mga kuwento na ang My Valentine Girls ang pinakamaganda sa lahat ng mga Valentine movies na ginawa niya.
Umapir si Richard sa Valentine concert na pinrodyus ng kanyang nanay na si Annabelle Rama. Guest performer sa concert si Solenn Heussaff. Saksi ang mga nanood ng iValentine U sa personal na pag- aasikaso ni Richard Kay Solenn. Kumbinsido ang mga witnesses na puwedeng mauwi sa seryosong relasyon ang friendship nina Solenn at Richard na naging close sa isa’t isa nang magkasama sila sa Survivor Philippines: Celebrity Showdown na kinunan sa Ranong, Thailand.