MANILA, Philippines – Todo-todo ang suporta ng TV5 sa kauna-unahang winner ng talent search na Star Factor. Ngayon ay itinuturing na nilang darling si Eula Caballero. Patutunayan daw nilang deserving ito sa ibinibigay na suporta ng network.
Actually, may kakaibang appeal si Eula lalo na pag napanood mo na siya sa screen. May kakaiba siyang ngiti at inosente pa ang mukha.
Makalipas ang ilang buwan mula ng maiuwi ni Eula ang titulo bilang grand winner ng pinakaunang star search ng TV5, masasabing unti-unti niya nang natutupad ang kanyang pangarap.
Ngayon ay pinagbibidahan niya ang pinakabagong weekly series ng TV5 na Luv Crazy na kung saan kapartner niya ang singer-actor na si Markki Stroem. Gagampanan ni Eula ang role bilang Jke, isang dalagitang takot subukang umibig dahil sa ilang misteryosong rason kasama si Markki Stroem na gaganap naman bilang Whammy, isang lalaking nais takasan ang pait ng kanyang heartbreak at paglao’y matututunang umibig kay Jke. Ang kinaaabangang love team na ito ay paniguradong pakikiligin ang bawat manonood at walang dudang tatangkilikin ng maraming tao.
Nang unang sumali si Eula upang maging Star Factor hopeful, nakuha kaagad niya ang atensiyon ng mga Star Makers na sina Audie Gemora, Joey Reyes, Ryan Cayabyab, Raymund Isaac at Annabelle Rama. Ayon sa Talent5 Head na si Direk Audie Gemora: “Si Eula ay mailalarawan bilang isang talentadong aktres na may perpektong mukha sa screen. Siya ay maihahalintulad sa husay at ganda nina Gloria Romero, Alice Dixson, Kristine Hermosa dahil ipinanganak para maging isang star”.
“Si Eula ay may pinaka-expressive na mga mata at matamis na ngiti,” sabi ni Direk Audie.
Planado na ang maraming proyekto para kay Eula.
Anyway, ang kanyang unang proyekto, Luv Crazy, ay ipapalabas na ngayong Linggo, ika-13 ng Pebrero, pagkatapos ng P.O.5.
* * *
Naging kahabag-habag daw ang katapusan ng buhay ng dating aktor na si Leo Rabago.
Kilalang modelo si Leo at minsan ding nagkapangalan sa showbiz noong dekada ’80 pero the other day ay binawian na siya ng buhay sa nakakaawang kalagayan.
Sa charity ward daw ito nalagutan ng hininga at walang ni isang kamag-anak na nasa tabi niya.
Isang nagmamalasakit daw na bading ang nag-alaga sa aktor na colon cancer ang naging dahilan ng kamatayan.
Pero ayaw naman daw magpa-interview ng nasabing kaibigan ni Leo dahil gusto raw nitong maging pribado ang nangyari sa dating aktor.
Hindi gaanong nabalitaan ang tungkol sa pagkakasakit ni Leo. Last year nang lumabas ang balita noon na inaresto siya dahil sa pananaksak.