MANILA, Philippines - Walong entries mula sa ABS-CBN Corporation ang hinirang na finalists sa prestihiyosong New York Festivals (NYF) International TV and Film Awards 2011, na siyang pinakamarami mula sa lumahok sa Pilipinas sa taong ito.
Ang cinematic style documentary ng ABS-CBN na Storyline, likha ni Patricia Evangelista at Paolo Villaluna, ang siyang nakatanggap ng pinakamaraming nominasyon sa lahat ng Pinoy entries at nakikipaglaban sa mga kategoryang Biography/Profiles, Community Portraits, at Social Issues/Current Events.
Finalist naman sa Coverage of Breaking News Category ang makapigil hiningang Manila bus siege coverage ng ABS-CBN News noong Agosto 2010 na pinamagatang Bloodbath in Manila habang finalist naman sa Docudrama category ang programang I Survived ni Ces Drilon.
Kinilala rin bilang finalists sa bagong Telenovela category ang dekalibreng dramang Dahil May Isang Ikaw tampok sina Jericho Rosales at Kristine Hermosa, at patok na fashionseryeng Magkaribal na pinagbidahan naman nina Gretchen Barretto at Bea Alonzo.
Samantala, lalaban naman sa Copywriting: Promotion Spot category ang TV promo ng ABS-CBN Creative Communications Management na Altar na ipinalabas bilang pagsuporta ng network sa fire prevention month.
Apat naman mula sa GMA Network ang nakakuha ng nominasyon.
Paparangalan ang mga finalists at papangalanan naman kung sino sa kanila ang gagawaran ng Gold, Silver, o Bronze trophies sa awarding ceremony na magaganap kasabay ng National Association of Broadcasters show sa Las Vegas na gaganapin mula April 9-14, 2011.