Binabati ko si Edu Manzano. Isa siya sa dalawang kaibigan ko, ang isa pa ay si Ricky Reyes, na may pagmamahal sa mga batang may sakit na cancer. At ipinamamalas nila ito sa paggawa ng mga bagay na makapagbibigay lunas at gamot sa kanilang karamdaman.
May itinataguyod si Doods na Adrian Manzano Cancer Wing sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC). Layunin nito na tumulong sa mga batang may cancer. Ito ang nag-iisang ward sa PCMC na may chemotherapy and blood transfusion. Ipinangalan ni Edu ang ward sa kanyang namayapang ama na nung nabubuhay pa ay maraming charity works at mapaglingap sa mga bata.
Mabuhay ka Doods, at sana dumami pa ang tulad mo.
* * *
Mabuti naman at nakakuha ng mabigat na assignment sa TV5 si Alwyn Uytingco. Magkaribal sila ni Martin Escudero sa pagtatangi ni Alex Gonzaga sa Babaeng Hampaslupa.
Magaling namang artista si Alwyn at nahasa na sa pag-arte sa maraming proyekto na nalabasan niya sa ABS-CBN. Ewan ko lang kung bakit iniintriga sila ng ina ng kanyang girlfriend na si Jean Garcia gayung hindi naman siya nagkukulang ng paggalang dito at maging sa girlfriend niyang si Jennica Garia.
“Maayos naman niya (Jean) akong tinatanggap sa kanilang bahay at wala naman akong nakikita at nararamdamang hindi magandang pagtrato mula sa kanya. Baka may ayaw lang sa akin para kay Jennica kaya nila ako sinisiraan,” katuwiran ni Alwyn.
* * *
Mag-iinarte pa ba si Melai Cantiveros dahil second choice siya sa bagong noontime show ng ABS-CBN? Siya ang ipinalit sa hindi pumuwedeng si AiAi delas Alas. Siya ang magsisilbing comic provider sa show na dating ginagawa ni Pokwang sa Wowowee. May k na ba siyang pumalit sa nabanggit na dalawang komedyana?
“Nakakahiya naman na i-compare sa kanila, sikat na sikat na sila. Grateful nga ako at happy sa opportunity na ibinigay sa akin ng ABS-CBN at sana worth ako ng trust nila. ’Wag nang compare nang compare dahil nakakahiya. Ako, gagawin ko lang ang work na naka-assign sa akin. Sana hindi sila mabigo sa akin,” sabi niya.